Sigarilyo, timbog ng IG sa MICP!

July 29, 2020

HABANG hindi pa humuhupa ang banta ng COVID-19, inaasahang darami pa ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa labas ng bansa ang babalik sa Pilipinas.

Hindi lang mga Overseas Filipino Worker o OFW ang bumabalik sa Pilipinas.

Pati mga kababayan natin na nakatira na sa ibang bansa ay umuuwi rin kasama ang mga anak.

Sobra kasi ang dami ng nagkakasakit ng COVID-19 sa kani-kanilang pangalawang tahanan.

Kaya minabuti ng Bureau of Customs (BoC ) na dagdagan ang mga tauhan ng NAIA collection district.

Nais nina BoC Commissioner Rey Leonardo Guerrero at NAIA District Collector Mimel Manahan-Talusan na mapaganda ang serbisyo sa  premier international airport ng bansa.

Ang pagdagdag ng mga bagong BoC personnel sa NAIA ay naglalayong mapabilis ang paglabas ng mga returning Filipino pati na ang kanilang mga bagahe.

Nakikiisa ang BoC sa administrasyon ni Pangulong Rody Duterte sa paglaban sa COVID-19.

Sinisiguro rin ng BoC-NAIA ang maayos at mabilis na paglabas sa paliparan nang lahat ng mga imported na bagay na kailangan sa paglaban sa pandemya.

Ito ang dahilan kung bakit 24/7 ang trabaho sa BoC-NAIA.

***

Malaki ang kinikita ng mga nagpupuslit ng sigarilyo sa bansa.

Kaya kung saan-saang pantalan na idinadaan ang mga kontrabandong sigarilyo.

At kung saan-saan din itinatago ang mga sigarilyo.

Pero ibang klase ang mga nagtangkang magpalusot ng sigarilyo sa Manila International Container Port (MICP).

Hindi na nila itinago ang mga kontrabando.

Nang buksan ang pitong 20-foot container ay bumulaga kaagad sa mga taga-MICP ang mga sigarilyo.

Ayon kay Depcom for Intelligence Rainier Ramiro, galing sa China ang mga kontrabandong sigarilyo.

Kinilala din ni Ramiro ang consignee na Rhayanne Consumer Goods Trading.

Ang customs broker naman ay si Annaly Ladeza Almadin.

Ang pitong container van ay idineklarang naglalaman ng towels, school bags, bed sheets, non-woven bags at fabrics.

Ang may-ari ng Rhayanne Trading at si Almadin ay nahaharap ngayon ng smuggling charges at mga kasong paglabag sa BIR at National Tobacco Administration rules and regulations.

***

Mahirap talaga ang kalagayan natin ngayon.

Nakita naman natin na ang ginawang pagluluwag ng gobyerno ay isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na lumulobo ang bilang ng mga taong nagkakasakit ng COVID-19.

Pero kung hindi naman ginawa ito ng gobyerno, malamang na bumagsak nang tuluyan ang ating ekonomiya.

Kahit saan tayo lumagay ay disgrasya ang ating aabutin dahil wala pa namang lunas ang salot na virus.

Ang problema dito ay puno na ng pasyente ang ating mga ospital.

At ang kinatatakutan ng lahat ay paano na kung mahawa ang karamihan sa mga doktor at narses na nagtatrabaho sa mga ospital.

Saan kaya tayo pupulutin?

Kung nahahawa ang mga doktor, narses at mayayamang tao eh paano pa kaya ang mga taong walang maibili ng bigas at  face mask?

Ang tanging magagawa natin ay magkulong na lang sa bahay at huwag ng lumabas.

Ang masakit pa, baka wala ng maibigay na ayuda ang gobyerno.

Iyan ang masaklap!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)