Sinong partido sa kasal ang mananagot sa krimen na bigamy?

Kgg. na Chief Acosta,

Mayroon po akong nabasa ukol sa bigamy subalit hindi ko po ito lubos na naunawaan sapagkat wala naman akong gaanong alam ukol sa batas. Nais ko lamang pong malaman, sa kasong bigamy ba ay kailangan na kakasuhan ang parehong partido o mag-asawa sa ikalawang kasal, o posible na isa lamang sa mag-asawa?

Yoyoy

Dear Yoyoy,

Upang higit na maunawan ay mainam na malaman muna kung ano ba ang nakasaad sa probisyon ng batas ukol sa krimen na bigamy. Nakasaad sa Artikulo 349 ng ating Revised Penal Code of the Philippines na:

“The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”

Ayon sa nasabing batas, “any person” o ang sinuman na papasok sa ikalawa o kasunod na kasunduan ng kasal bago mapawalang bisa ang naunang kasal, o bago maideklara ang unang asawa na pinagpapalagay nang pumanaw alinsunod sa batas, ay maaaring kasuhan ng bigamy. Kung alam ng ikalawang asawa na kasal na ang taong kaniyang pinakasalan noong sila ay pumasok sa kasunduan ng kasal, siya at ang kaniyang pinakasalan na kasal na ay kapwa mananagot sa batas. Ganoon pa man, kung hindi alam ng ikalawang asawa na kasal na ang taong kaniyang pinakasalan, hindi siya maaaring panagutin para sa krimen na bigamy. Kung kaya’t masasabi na hindi kinakailangan na parehong partido sa ikalawang kasal ang makakasuhan ng bigamy. Muli, ginamit sa batas ang mga salitang “any person.” Kaugnay nito, ang pagbabatayan ay ang kaalaman ng isa o parehong partido ukol sa pagkakaroon ng naunang kasal.

Bilang karagdagang gabay, nais naming ibahagi ang desisyon ng ating Korte Suprema sa kasong People vs. Nepomuceno (G.R. No. L-40624, June 27, 1975, Ponente: Honorable former Associate Justice Salvador V. Esguerra), na kung saan ipinaliwanag na sa kasong bigamy ay maaaring isang partido lamang ang masampahan ng reklamo kung isa lamang ang nakakaalam ukol sa naunang kasal. Maaari lamang kasuhan ang parehong partido sa ikalawang kasal kung alam ng ikalawang asawa na mayroon nang naunang kasal ang taong kaniyang pinakasalan at ang naturang naunang kasal ay hindi pa napapawalang bisa alinsunod sa probisyon ng batas:

“The crime of bigamy is committed when a person contracts a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been judicially declared as presumptively dead.

x x x 

Appellant's contention that the crime of bigamy entails the joint liability of two persons who marry each other, while the previous marriage of one or the other is valid and subsisting is completely devoid of merit. Even a cursory scrutiny of Art. 349 of the Revised Penal Code will disclose that the crime of bigamy can be committed by one person who contracts a subsequent marriage while, the former marriage is valid and subsisting. Bigamy is not similar to the crimes of adultery and concubinage, wherein the law (Art. 344, first and third pars., Revised Penal Code, and Sec. 4, Rule 110, Rules of Court) specifically requires that the culprits, if both are alive, should he prosecuted or included in the information. In the crime of bigamy, both the first and second spouses may be the offended parties depending on the circumstances, as when the second spouse married the accused without being aware of his previous marriage. Only if the second spouse had knowledge of the previous undissolved marriage of the accused could she be included in the information as a co-accused. Bigamy is a public offense and a crime against status, while adultery and concubinage are private offenses and are crimes against chastity. In adultery and concubinage, pardon by the offended party will bar the prosecution of the case, which is not so in bigamy. It is, therefore, clear that bigamy is not similar to adultery or concubinage.”

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Ang inyong Lingkod Bayan,

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA, DSD

Punong Manananggol Pambayan

Paunawa:

Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address: pao_executive@yahoo.com o tumawag sa PAO hotline: (02) 8426-2801; 8426-2450; 8426-2987; o 8929-9436 local 106 o 107 during office hours at local 159 after office hours.

Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng legal advice, court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury. Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.