Social distancing ,hirap ipatupad sa mga palengke

April 22, 2020

SA laki ng populasyon sa lungsod ng Maynila, hindi magkanda-ugaga sa paghahanap ng solusyon ang kapulisan at opisyales ng barangay kung paano maipatutupad ng maayos ang social distancing ng mga taong namimili sa mga palengke.

Dito lang sa Obrero Market sa Blumentritt, mula pa lang sa kanto ng Rizal Avenue ay may inilagay ng harang ang pulisya upang matiyak na tanging ang mga may quarantine pass lang ang makakapamili na pawang sasailalim pa sa thermal scanner at hand sanitizer.

Kilalang bagsakan ng mga produktong pagkain ang palengke sa Blumentritt kaya’t alas-5 pa lang ng umaga ay dinarayo na ito ng mga mamimili at dahil na rin sa mahigpit ang pagpapatupad sa umiiral na enhanced community quarantine (EQC), mahabang oras ang nagugugol ng mga mamimili sa pagpila pa lamang papasok sa kalye ng Blumentritt.

Ang resulta, nagtatagal ang mga namimili sa mga puwesto ng mga nagtitinda kaya hindi rin natutupad ng maayos ang physical at social distancing.

Ang kagandahan lang, mahabang oras sa umaga ang inilaan para lamang sa mga mamimili na taga-Maynila habang papayagan lamang makapasok ang hindi taga-Maynila sa bandang hapon.

Dito naman sa Divisoria, partikular sa mga kalyeng bilihan ng gulay sa Carmen Planas, Sto Cristo, El Cano at Padre Rada, nakalilito ang ipinatutupad na panuntunan ng barangay dahil pinapayagan lamang ang mga mamimili na pumasok sa mga naturang kalye mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Sa C.M. Recto pa lamang papasok ng mga naturang kalye ay naka-lockdown na at walang sinuman ang pinapayagang makapasok para makapamili ng gulay.

Ang resulta, nagkukumahog ang mga mamimili at dumadagsa sa lugar lalu na’t may ipinaiiral na curfew mula alas-8 hanggang alas-5 ng umaga kaya halos dikit-dikit pa rin ang mga tao.

Bukod sa mga mamimili, nagrereklamo rin sa panuntunang ipinaiiral ng barangay ang mga manininda sa lugar dahil posibleng mabulok ang kanilang mga sariwang gulay kung hindi papapasukin ang mga mamimili.

Ipinatutupad ng barangay ang panuntunan sa kabila ng direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) na alisin ng mga lokal na pamahalaan at barangay ang window hour sa mga palengke upang hindi dumagsa ang mga mamimili.

Mukhang taliwas sa panuntunan ng DILG ang ipinaiiral sa lugar kaya siguro, dapat ng manghimasok dito ang lokal na pamahalaan ng Maynila upang kastiguhin at turuanng wastong pagpapatupad ang mga opisyales ng barangay.

Pasaway nga ba talaga ang maraming Pinoy?

Hindi talaga nauubusan ng katuwiran ang maraming Pinoy kahit sukol na o buking na sa ginagawang paglabag sa umiiral na enhanced community quarantine.

Karamihan nga, sila pa ang galit kapag dinakip ng kapulisan gayung malinaw naman sa panuntunan ng pambansang pamahalaan ang mga alituntunin na dapat sundin habang ipinaiiral ang lockdown bunsod na rin ng mabilis na paglaganap ng COVID-19.

Yung iba nga, nagpapahangin lang daw sa labas dahil napakainit sa loob ng bahay at mayroon pang may kinuha lang daw sa labas ng bahay at papasok din naman kaagad pero dinakip din ng pulisya.

May video pa nga ng ilang kalalakihan na walang damit pang-itaas, walang suot na face masks at kumakaway pa sa miyembro ng media pero nagtakbuhan nang makitang parating na ang mga pulis.

Ganyan talaga siguro ang ugali ng karamihan nating kababayan at kung sino pa nga yung mga pasaway, sila pa ang numero-unong reklamador kapag gumawa ng marahas na aksiyon ang pamahalaan para supilin ang katigasan ng ulo nila.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363