‘Specialty hospital’

SI dating Pangulong Ferdinand Marcos ang unang nakaisip at nakagawa nito sa Pilipinas.

Kaya noon pa lang, mayroon na tayong Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine General Hospital.

Hindi ko na iisa-isahin kung ano ang ‘specialization’ ng Heart Center, Lung Center, Kidney Institute, Children’s Hospital at PGH dahil kahit sino ay puwedeng ipaliwanag ito.

Mula noon, hanggang ngayon, nananatili ang nasabing mga hospital -- napapakinabangan at nakakatulong sa mga mahihirap nating kababayan.

Sa isang kalatas, sinabi ni reelectionist Senator JV Ejercito na dapat ay magkaroon din ng ‘specialty hospitals’ sa bawat rehiyon o probinsiya upang hindi na kailangang pang lumuwas ng Metro Manila ang mga kababayan nating may sakit na nangangailangan ng kagyat na tulong sa pagamutan.

Sinabi ni Ejercito, chairman ng Senate health committee,  kung muli siyang mahalal na senador, maghahain siya ng panukala para sa pagtatayo at operasyon ng ‘regional specialty hospitals,’ tulad ng mga nabanggit nating hospital.

“Hindi lang po basta hospitals ang gusto ko at pangarap sa bawat bayan sa buong bansa. Ang gusto ko po ay magkaroon rin ng ‘specialty hospital’ sa bawat rehiyon tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center at National Kidney and Transplant Institute na dito lang sa Metro Manila mayroon,” pahayag nito.

Aniya, sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng pagamutan,  hindi na magagastusan at mahihirapan ang mga pasyente at kanilang pamilya sa pagbibiyahe mula sa kanilang probinsiya patungong Maynila para magpakonsulta o magpagamot sa mga Manila-based hospitals na ito.

“Hindi na sila luluwas pa sa Manila para magpagamot sa Philippine Heart Center, Lung Center o NKTI. Kung bawat region mayroon nito, marami ang makikinabang,” saad ni Ejercito.

Si Ejercito ang principal sponsor ng Universal Health Care (UHC) law.

Bukod sa UHC, itinulak ni Ejercito ang iba pang health laws, kabilang ang Mental Health Act, Philippine HIV/AIDS Policy Act, National Integrated Cancer Control Act.

“Ang kalusugan ang isa sa aking mga prayoridad dahil naniniwala ako na maunlad ang bansang may malusog na mamamayan. Kapag ako ay nahalal muli sa Senado, makakaasa ang lahat na patuloy kong itataguyod ang kalusugan dahil gusto ko healthy tayong lahat,” sambit pa ng senador.

Kahanga-hanga ang adbokasiyang ito ni Ejercito.

Ramdam natin sa kanya ang pagiging sinsero para tulungan ang mga mahihirap nating kababayan. Labas pa riyan ang kanyang adbokasiya tungkol naman sa mass transportation.

At hindi na niya kailangang mangako pa dahil bilang senador, napatunayan ni Ejercito ang pagiging epektibo nitong mambabatas na may layuning tumugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan.  

Halimbawa na riyan ang UHC na magiging libreng check up sa pagamutan. Iyong pagkuha sa mga basic laboratory ay magiging libre na rin, palalakasin ang hospital facilities sa pampublikong pagamutan at lahat na tayo ngayon ay awtomatikong miyembro ng PhilHealth na ibig sabihin hindi na natin kailangan pang mag-apply para maging kasapi nito.

Sa proyektong pang-imprastraktura, alam nating bukod sa determinasyon ng Pangulong Duterte hinggil sa ‘Build, Build, Build program,’ isa si Ejercito sa pursigidong magkaroon ng subway sa bansa. Malapit nang maging makatotohanan ang planong ito dahil noong Pebrero, sinimulan na ang konstraksiyon ng Metro Manila Subway Project sa Bgy. Ugong, Valenzuela City.

Sa bilis na 80 kilometro kada oras, kaya nitong paiksiin ang ‘commute’ mula Quezon City patungong NAIA Terminal 3 sa ilalim ng 30 minuto.

Tatakbo sa 36 kilometrong ruta, magkakaroon ng 15 istasyon ang unang underground railway system mula Quirino Highway sa Quezon City hanggang NAIA Terminal 3 sa Pasay at FTI sa Taguig City. Pitong lungsod sa Kalakhang Maynila ang dadaanan ng nasabing subway.

Labas sa tinutukoy natin dito ang iba pang proyektong pangtransportasyon at imprastraktura na isinusulong ni JV tulad ng railway system sa Mindanao na malaking tulong sa ekonomiya at magbibigay trabaho sa ating kababayan at hindi na nila pa kailangang makipagsiksikan dito sa Metro Manila.

Iyan si Senador JV. Hindi puro porma, hindi puro yabang. Kundi bitbit niya ang tunay na #TotoongPerfomance.

Ika ‘nga, JV ang tunay na may legacy!