Sunud-sunod na accomplishment ng Laguna Police Provincial Office!

IBA talaga ang liderato ni Police Brig. Gen. Edward ‘Ted’ Carranza, regional director ng Police Regional Office (PRO) 4-A.

Lahat ng provincial director nito sa buong CALABARZON PNP (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay walang kapaguran sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Bitbit ang direktiba ni Carranza na pag-ibayuhin ang pagsupil sa mga kriminal at masasamang loob, 24-7 as in 24 na oras kada araw at pitong araw kada linggo ang ginagawang pagtugaygay ng buong PRO-4-A mapanatili lamang ang katahimikan at kaayusan sa limang probinsiya na ating nabanggit.

Isa sa may impresibong accomplishment ngayon ay ang Laguna Police Provincial Office (LPPO) na pinamumunuan ni P/Col. Eleazar Matta.

Kamakalawa, isang 17-taong gulang na lalaki ang naaresto ng Cabuyao City Police Station. Ang suspect na si Jonathan Luson ay itinuturing na isa sa most wanted person sa Laguna dahil sa kasong five counts of rape.

Sinabi ni Police Major Jojo Sabeniano, hepe ng Laguna PPO-Public Information Office, si Luson ay isa sa target ng tinatawag na ‘Manhunt Charlie.’

Isang impormante aniya ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng suspect dahilan upang ikasa ang police operation sa Barangay Sala, lungsod ng Cabuyao.

Si Luson ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Eleuterio Bathan ng Cabuyao City Regional Trial Court Branch 108. Walang inilaang piyansa sa suspect.

Samantala, napatay naman sa police operation ang suspected drug personality na tinukoy lamang sa alyas Daryl.

Siya ay lumaban sa mga operatiba ng Calamba City Police Station nang magsagawa ng buy-bust operation sa Bgy. Makiling ng nasabing lungsod. Nakuha sa kanya ang ilang gramo ng shabu, isang kalibre .45 baril at ilan pang drug paraphernalia.

Nabatid na bukod sa drug pushing, sangkot din sa robbery-hold up ang suspect, ayon kay Col. Matta.

Sa bayan ng Alaminos ay todas din ang suspect na si JR Siervo nang manlaban naman sa mga awtoridad sa buy-bust operation na ikinasa sa Bgy. San Miguel. Narekober sa suspect ang isang kalibre .45 baril, isang M16 armalite rifle, isang 12 gauge shotgun at mga bala nito.

Miyembro si Siervo ng tinatawag na Alvero-Amante at Manambit Drug Group  na kilalang sindikato sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot at gunrunning.

Kahanga-hanga rin ang perfomance ng Laguna PPO nang mapatay ang kapwa nila kabaro sa isang engkuwentro sa bayan ng Sta. Cruz kamakalawa.

Bagaman ‘masakit’ para sa buong Laguna PPO, itinuturing na malaking accomplishment din ang pag-neutraize sa suspect na si PO3 Jennyson Serrano, alyas Sir, nang lumaban sa mga kapwa awtoridad sa Sitio Ilang-ilang, Bgy. Bubukal.

Sanib puwersang nagsagawa ng operasyon ang Laguna Police Investigation Bureau (PIB), Drug Enforcement Unit (DEU) at Sta. Cruz Municipal Police Station.

Aktibong miyembro ng Laguna PPO ang suspect na sinasabing sangkot sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, bukod pa sa ito rin umano ang nagbibigay proteksiyon sa sindikato ng droga sa lalawigan.

Mismong ang suspect ang nag-aabot umano ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer at nang maramdamang kapwa alagad ng batas ang kanyang ka-deal, bigla itong bumunot ng baril dahilan para paulanan siya ng putok ng mga awtoridad.

Sa mga ganitong uri ng accomplishment mula sa Laguna PPO, may dahilan para papurihan ang nasabing tanggapan.

Kakilala natin si  Col. Matta at alam nating magaling itong opisyal kaya lahat ng mg tauhan nito ay inspiradong gumanap sa kanilang sinumpaang tungkulin.