Super hero ng Tondo

KILALA si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., bilang artista, negosyante, politiko, at mambabatas na ginawan ng imbentong kaso tungkol sa pork barrel scam — dahilan para ipawalang sala siya ng Sandiganbayan.

Lingid sa ating kaalaman, may kabayanihang ginawa ang senador na hanggang ngayon ay nakamarka sa mga kababayan natin sa Tondo.

Naganap ito noong Marso 28, taong 2007.

Isang engineer na nagngangalang Jun Ducat at may-ari ng Musmos Day-Care Center sa Parola Compound sa Binondo, Manila, ang nang-hostage ng 26 na bata at apat na guro sa loob ng isang tourist bus.

Magtutungo sana sa Tagaytay ang mga bata para sa isang field trip, ngunit nang sumakay sa kanila si Ducat, bigla nitong inilabas ang dalang Uzi at dalawang granada.

Nagdeklara siya ng hostage sa harap mismo ng Bonifacio Shrine. Ang hinaing ng suspect, pabaya umano ang pamahalaan para suportahan sa edukasyon ang mga kabataan.

Halos maghapon ang nasabing negosasyon. Hindi nakaporma ang mga nakapaligid na pulis dahil bihag ni Ducat ang mga walang muwang na bata.

Ang masaklap, isa sa mga ito na nagngangalang si  Zaynohn Irish Pacheco na noon ay limang taong gulang lamang ang inaapoy ng lagnat.

Walang ibang gustong makausap si Ducat noong mga oras na iyon. Dahil kaibigan ito ni Senador Bong, naglakas loob ang senador na makipag-usap sa suspect.

Batid ng mambabatas na delikado ang ginawa nitong pakikipagnegosasyon pero hindi nito inalintana ang panganib dahil mas inisip ni Revilla ang kaligtasan ng mga bata at guro. Dumating pa sa punto na tinutukan mismo siya ng baril ng hostage-taker.

Sa masinsinang pag-uusap nina Revilla at Ducat, napahinahon ang suspek at saka sumuko sa mga awtoridad. Unang pinalaya ang batang si Zaynohn para mabigyan ng karampatang lunas at ang sumunod na eksena ay kaligayahan na para sa lahat dahil pinakawalan na rin ang iba pang bata nang hindi man lang sinaktan.

Nakulong ng dalawang taon si Ducat sa Manila City Jail at dahil sa magandang ipinakita sa kulungan ay nakalaya na rin ito hanggang ngayon.
Eto ang catch.

Matapos ang nasabing hostage drama, binigyan ng scholarship ni Revilla ang mga batang biktima na mga dalaga’t binata na ngayon.

Hindi lang iyan, maging ang mga sumunod na batch ng Musmos Day-Care Center ay pinag-aral din hanggang sa kolehiyo ng senador kaya umabot na sa 145 ang bilang ng mga batang scholars.

Simula nang ma-hostage ang mga batang biktima  hanggang ngayon, magkakaibigan pa rin sila at halos higit pa sa magkakapatid ang kanilang turing sa isa’t isa.

Taun-taon ay ipinagdiriwang ng mga batang ito ang ‘malagim’ nilang nakaraan na labis ang pagpapasalamat sa Poong Maykapal na kinasangkapan si Revilla para sila’y iligtas.

Sa ngayon ay 19-anyos na ang batang karga ni Ducat sa hostage. Nang mangampanya si Senador Bong sa kanilang lugar, maluha-luha itong yumakap sa senador na animo’y larawan ng isang mag-ama na nangulila sa isa’t isa.

Mula sa mga batang ito, hanggang sa kanilang magulang, kaanak at kaibigan, super hero ang turing nila kay Revilla.

Ang paghangang iyan ay hindi mananakaw o mabibili ninuman — kahit na siniraan ito ng nakalipas na administrasyon dahil sa kasong plunder na walang katotohanan.

Ang nakatutuwa, kung sino pa ang nag-imbento ng kaso laban sa senador ay ito rin ang naging daan para mapahamak naman at mapatay sa madugong Luneta Hostage Tragedy ang siyam na Hong Kong national at ikinasugat ng siyam na iba.
Naganap ito noong Agosto 23, 2010 na naging kahiya-hiya ang Pilipinas sa buong mundo.

Ang tagpong ito ay  malayong hindi hamak sa matiwasay at matagumpay na pagliligtas sa mga batang biktima ng Parola.

Hanggang ngayon, sinsero ang pagsisisi sa nagawang kasalanan ni Ducat. Nagpasalamat din siya sa kabaitan at katapangan ni Revilla dahil kahit natutukan niya ito ng baril, hindi pinanghinaan ng loob ang mambabatas para ligtas na makuha ang mga batang paslit.
Sabi ng mga bata, “Hindi lang po buhay namin ang utang namin kay Sen. Bong kung hindi maging ang kinabukasan namin.”

Nakatutuwang masaksihan ang tagpong ito dahil ganon na lang ang pasasalamat ng mga bata— na dalaga’t binata na ngayon—sa butihing mister ni Bacoor City Mayor Lani Mercado.

Ang mga bagay na ito ang nagpapatunay kung bakit mahal nila si Revilla dahil para sa kanila, isa itong tunay at buhay na Super Hero!

Congrats Senate employees

Bago tayo magtapos, gusto nating batiin ang lahat ng masisipag, magigiting, matatalino, guwapo at magagandang empleyado ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sila kasi ang naging overall champion sa naganap na 3rd Congressional Invitational Tournament na ginanap noong Marso 21, 2019 sa Philippine Army Gym sa Taguig City.

Sa pitong sports, anim rito ang kanilang napagtagumpayan— badminton, chess, table tennis, darts, golf at women’s volleyball.

Hindi naman umuwing luhaan ang mga taga-House of Representatives kasi ‘na-tsambahan’ nilang maging kampeon sa men’s volleyball.

Ang naturang torneo  na nilahukan ng dalawang kapulungan ay may layuning mapalakas lalo ang kanilang kapatiran at pagkakaibigan na isa ring daan upang makapag-relax at ‘bonding’ mula sa ‘masalimuot’ nilang trabaho sa Senado at Kamara.
Pinamumunuan ni Senate Deputy Secretary Luis Papa ang sangay ng Senado na isa ring magaling na manlalaro ng golf .

Pagbati ang nais nating iparating kina Executive Secretary Dianne Me-Cruz, Director General Toboy de Guzman, Directors Rommel Escudero,  Nick San Pedro,  Raymond Sabare,  Elbert Cruz, Tonette Cordero at siyempre ang isa pang golf champion na si Lodi Shaq Mario.

Special na pagbati rin ang nais nating isaludo sa Dart champion na si Boss Mike Caber ng office ni Senate President Tito Sotto.

Cheers!