Suportahan ang pulis kada barangay ni Gen .Eleazar!

SADYANG matigas daw ang ulo ng  Pinoy kaya  patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa ating bansa.

At dahil sa katigasan ng ulo, napipintong maibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila kung aabot sa 85,000 ang kaso ng bansa sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan.

Kaya naman nakikita nating magandang hakbangin ang direktiba ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na magtalaga ng pulis bilang "quarantine rules supervisor" sa bawat barangay.

Kasunod ito ng atas ng Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga pasaway na hindi magsusuot ng ‘face mask’ sa mga pampublikong lugar.

Sinabi ni Eleazar na ang ‘police supervisor’ sa bawat barangay ang magiging ‘team leader’ ng mga barangay officials sa pagpapatupad ng minimum health safety protocols sa community level.

Dapat ‘nga, tandem na pulis ang i-assign ni Gen. Eleazar – isang lalaki at babaing pulis!

"The presence of policemen is not only a proven crime deterrent but also compels civilians to behave. In this time of pandemic when compliance to the minimum health safety protocols is a must to prevent the spread of the coronavirus, we need to make the presence of the police in the barangay to ensure that the order of President Rodrigo Roa Duterte is enforced properly and strictly,” pahayag ni Eleazar.

Kinumpirma ng heneral na nakatanggap sila ng mga report na maraming tao na ang kampante at halos hindi na sinusunod ang health standards. At ito rin ang obserbasyon ng karamihan!

Marami pa rin sa mga residente ang hindi na nagsusuot ng face mask at marami ang nag-iinuman sa labas ng kanilang mga tahanan (alak pa!).

"Enforcement of minimum health safety protocols at the community level is essential in our fight against the COVID-19. As health experts said, we should always assume that the people we are talking to and cross paths with are virus carriers so wearing of face masks and physical distancing are really an integral part in our goal of defeating the coronavirus,” diin pa nito.

“This fight must be brought to the community level and the best way to do it is to make the presence of the police felt in every barangay, especially in areas where coronavirus infection is high,” dagdag pa ni Eleazar.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na si Eleazar kay Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año para sa kooperasyon ng mga barangay officials sa aktibong partisipasyon ng mga pulis sa kanilang lugar upang ipatupad ang quarantine rules.

Ipinaalala rin ng mga opisyal na ang hindi pagsusuot ng ‘face mask’ ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng mula 10 hanggang 30 araw at multang mula P1,000 hanggang P5,000.

Nauunawaan natin na marami ang kinakailangang lumabas ng bahay para magtrabaho at kumita pero sana naman kaakibat pa rin ng hangarin nating may maipakain sa ating pamilya ay laging unahin ang kaligtasan sa sakit ng ating pamilya.

Aanhin natin ang pagkain sa lamesa kung magkakasakit naman ang ating mga mahal sa buhay.

Sa panahon ng pandemya, dobleng pag-iingat ang ating kailangan hindi lang para sa ating sarili, sa ating pamilya kundi para sa ating komunidad.

Sana ang planong pulis kada barangay ay maipatupad na agad at masurpotahan ng taumbayan!