Susme! Cong. Alan, ‘buking’ ka na naman!

KUMBAGA sa “binulabog” na tubig sa lawa, nagiging malinaw na ngayon ang katotohanan na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang siyang “nagsisinungaling” sa usapin ng ‘term sharing’ para sa posisyong ‘House Speaker’ ng ika-18 Kongreso.

Sinabi kasi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na hindi kailan man umupo at bumuo ng isang kasunduan sina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco hinggil sa nasabing panukala!

“‘Yun po ang katotohanan.

“I already got the side of Congressman Velasco and he has told me na, there was never an agreement between the two of them.

“And you can also ask, maybe you can ask Congressman Cayetano kung umupo at nag-usap ba sila because Congressman Velasco is firm na ‘di sila nag-uusap.

“I don’t think there was truth to (that) matter (term sharing) that there was agreement,” ayon kay Pimentel sa isang panayam sa radyo.

Muli pang idiniin ng beteranong kongresista na hindi maisusulong ang ‘legislative agenda’ ni Pang. Rody sa ipinanunukalang term sharing ni Cayetano.

Aniya, makakaantala lang ito sa kanilang trabaho na makapagpasa ng mga batas na kinakailangan ngayon ng ating bansa at mamamayan, lalo na ang pagpasa ng 2020 national budget.

Pinasinungalingan din ni Pimentel ang ibinabato ni Cayetano na nakikialam ang misis ni Velasco na si Gng. Wen Velasco sa House speakership race.

Aniya pa, hindi tama na idinadamay ni Cayetano ang asawa ng kanyang karibal dahil hindi naman ito sumasali sa kanilang bakbakan kahit malapit ito sa pamilya ng pangulo.

Kung matatandaan, sa isyung pagdawit kahit sa asawa ni Velasco, nagalit na rin maging si Davao City Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte! Ayon pa sa presidential son, isang “pambabastos” sa kababaihan ang pagdawit ni Cayetano kay Wen Velasco.

Sa aniya’y “mapanghamak” na pamumulitika ni ex-Sen. Alan, hindi raw nararapat na maging lider ng Kamara ang isang taong “bastos” sa mga babae, aray kupo naman!

Ilang araw na lang ngayon bago ang pagbubukas ng Kongreso, mistula nang tumitindi ang pagkadesperado ni Cong. Alan, lalo pa nga at bagkus magdagdagan, nababawasan pa ang bilang ng mga mambabatas na susuporta sa kanyang kandidatura, huhuhu!

Ayon pa nga sa mga miron, paano raw ba madaragdagan ang “numero” ni Cong. Alan samantalang kahit ang kanyang partido na ‘Nacionalista Party’ (NP), ay hindi siya iniendorso hanggang ngayon, aber? Aba’y “nalintikan” na talaga, hindi ba, mga kabayan?

Sa ganang atin pa, marahil, kung hindi “binulag” ng kanyang personal na ambisyon si Cong. Alan, hindi na aabot sa ganitong yugto na nasira na nang husto ang kanyang “kamada.”

Dangan kasi, kung totoong kilala niya ang pagkatao ni Pang. Rody, marahil noon pa niya “napagtanto,” sa mga ‘Chinese English’ at ‘body language’ ng Pangulo, na hindi siya, bagkus, alinman kina Cong. Velasco at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang “mas gusto” nito na maging pinuno ng Kongreso.

Balikan na kamakailan, sa isyu ng House speakership, “nagbiro” si PDU30 na bahala na si ‘Lord’ (patungkol kay Velasco) na magdesisyon.

At kamakailan naman, “kinantyawan” niya si outgoing Speaker Gloria Macapagal Arroyo na “magrekomenda” kung “sino” ang gusto nitong maging kapalit sa puwesto.

Sa bagay na ito, ang malinaw na tinutukoy ni PDU30 ay si Rep. Romualdez na pangulo ng Lakas CMD na siyang partido ni ex-PGMA na ang buong angkan ay isa sa mga kilalang “haligi” ng suporta ni SGMA sa loob at labas ng Kongreso.

At “kung umaasa” rin si Cayetano na sa kanya mapupunta ang mga tagasuporta ni Romualdez “sakaling umatras” ito sa laban, eh, isa lang ang masasabi ng mga miron: “Dream on,” hehehe!

Paano rin kasi makakalimutan ni Madam Gloria ang “pagtraydor” sa kanya noon ni Cayetano, aber?

Abangan!