Tablan sana ng hiya sa katawan ang mga kritiko ni Pacquiao!

HINDI ko alam kung saan pa humuhugot ng kapal ng mukha ang ilang indibiduwal na grabe kung batikusin si Senador Manny Pacquiao!

Pati ba naman ang ginawang kabutihan nito para sa pag-donate ng 700,000 piraso ng face mask ay pilit pang binabaligtad at ginagawan ng masamang anggulo?

Na kesyo hindi naman daw talaga kay Pacquiao galing ang mahigit sa kalahating milyong piraso ng face mask at bakit kailangan pa raw itong ipa-photo op sa Camp Crame!

Para sa kaalaman ng mga kritiko ni Pacman, hindi po sinolo ng bagitong senador ang kredito tungkol sa ipinamahaging face mask.

Mismong mga masisipag na staff ni Pacquiao na sina SAP (Special Assistant to Paquiao) Jake Joson at Boss Bernard Peralta ang nag-message at nakiusap sa Senate media at iba pang media entity na ilabas din ang pangalan ng mga donors  ni Pacman.

Sinabi nina Joson at Peralta na malugod ang pasasalamat ni Senator Pacquiao sa kabutihang loob ng mga may-ari’t namamahala ng HMR, KP Trading at C-So Funding dahil sa 700k na face mask.

Ayaw din talaga ng publicity ng kampo ni Pacquiao dahil kahit isang ‘press release’ tungkol sa mga face mask ay wala silang inilabas.

Sadyang ‘makulit’ at pursigido lang ang ilang mamamahayag na isulat agad ito dahil na rin parte ng aming trabaho ang magbigay impormasyon sa publiko.

Kahit isang pangalang nakasulat at mukha ni Pacquiao ay wala tayong nakita sa mga bultu-bultong kahon na ipinamigay kaya pano nila nasabing umeepal lang ang paboritong anak ni Mommy Dionesia?

Ang ‘photo ops’ na pilit binibigyang kulay ng mga naggagaling-galingan na kritiko  ay ‘ceremonial’ lamang dahil bago ito ibinigay sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), nagsagawa muna ng masinsinang imbentaryo rito!

Natural, gusto ring ipakita ng PNP, ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DOH), na lubos ang kanilang pasasalamat sa pagtanggap sa mga donasyong face masks.

Sa nasabing bilang, 100,000 piraso ng face mask ang napunta sa PNP; 50,000 piraso sa AFP; 75,000 pieces sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM); 75,000 pieces sa DOH; at panibagong 75,000 piraso para sa MMDA. Iyong ibang sobra ay ibinigay sa ilan pang mga frontliners na walang pagod, sawa at buong tapang na hinaharap ang panganib ng COVID19.

Mismong si PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang nagpasalamat kay Pacquiao.

Sinabi nitong malaking bagay ang mga  face masks sa buong kapulisan.

Bukod sa karagdagang gamit ito ng ating mga pulis, nakapagpapalakas din ito ng moral sa  mga alagad ng batas na nararamdaman nilang suportado sila nang husto ng ating pamahalaan.

Samantala, may 50,000 test kit naman para sa COVID-19 ang darating din sa bansa na resulta muli ng pagsisikap ni Senador Pacquiao para tulungan ang ating mga kababayan.

Ang nasabing test kit ay donasyon ni Chinese business tycoon Jack Ma.

Nagkasundo ang magkaibigan na ipadala ang test kits sa mga susunod na araw base na rin sa pakikipagtulungan ng Jack Ma Foundation at Manny Pacquiao Foundation.

Nasisiguro kong kapag dumating ang mga naturang kit ay may masasabing masama na naman ang mga kritiko ng boxing legend.

Bigla ko tuloy naisip na ito bang mga taong ito na pilit hinahanapan ng mali si Pacquiao ay may nagawa nang tulong sa ating mga kababayan?

Ang halaga po ng isang face mask ngayon – kung may nagbebenta pa dahil sa nagkakaubusan ng stock – ay aabot na sa P50.

Kung imu-multiply natin ang 700,000 sa P50 ay aabot po sa P35 million ito mga ate at kuya!

Kusang loob nag-solicit si Pacquiao dahil sa gusto lamang niyang makatulong sa ating mga kababayan.

Itong darating na test kit, kung susumahin natin sa halagang P2,000 (conservative price) kada isa ang 50,000 ay aabot sa P100 million!

Hindi ba sa halip na mambatikos ay dapat magpasalamat pa tayo ng malaki sa ‘effort’ ni Pacquiao?

Tama ang sabi ni SAP Jake ng office ni Senator Pacquiao. Likas na sa ilang Pilipino ang pagkakaroon ng ‘crab mentality.’

Sabi rin ni Boss Bernard grabe na ang inggit at insecurity sa katawan ng mga kritiko ni Pacquiao dahil wala na nga silang naitutulong na maganda sa bayan, nakukuha pa nilang manligwak ng isang kapwa na gumagawa lamang ng kabutihan sa ating mga kababayan.

Sa ganang akin, ang tawag ko naman sa mga hinayupak na ‘to ay kung hindi baliw, mga hangal!