‘Taho diplomacy’

February 13, 2019

MAY mga politikong gustong ipunin ang lahat ng armas ng AFP para simulan na ang pag-atake sa China.

Ang lalim ng dahilan nila, sinabuyan kasi ng taho ng isang  Chinese national  ang isa nating pulis!

Sabi nga ng mga Kapampangan, “potang bengi” na buhay ito, may krisis talaga tayo ng mga matitinong politiko sa ating bayan. Isipin nyong mabuti, kinakanyon natin ang Chinese Embassy dahil lamang sa isang petty incident na nangyayari naman sa buong mundo araw-araw.

Maraming bastos na nilalang, kahit pa sa anong lahi, makakakita ka ng walang modo. Pumunta ka sa Amerika, may gagong Kano, gumawi ka sa Saudi, may walanghiyang Arabo, sa Britain, makatagpo ka ng walanghiyang Briton.

Ibig sabihin, sa China man o dito sa atin sa Pilipinas ay hindi nawawala ang mga bastos at walanghiya. Huwag na tayong lumayo, si Kristo nga binastos ng kanyang disipulo kaya nga may Hudas!

Ang punto natin, bakit kailangang idamay ang buong China dahil lang sa isang baso ng taho? Ganoon ba talaga tayo kababaw para ibunton sa isang bansa ang kagaguhan ng isa nilang citizen?

So ganito ang gawin natin, kapag na-sting ng isang bubuyog ang kababayan natin, sirain na dapat ang lahat ng beehive at ipagbawal na ang paggamit ng pukyutan!

Ako ang nahihiya sa kabobohan ng iba nating politiko na makapagsalita lang, kahit walang substance ay ibubuga nila.

Ipinasok na ang West Philippine sea dispute, isiningit na ang Philippine-Chinese friendship at kulang na lang pati sila Jet Li at Jacky Chan ay karatehin!

Ang ipagtataka mo rin, bakit ba ayaw ng iba na maging kaibigan ng ating bansa ang China pero puwede sa Amerika, puwede sa UK at puwede sa iba pang bansa?

Ang ginagawa nila ay naglulunsad ng hate campaign laban sa China sa tuwing makakakita ng tiyansa.

Sana ganyan din kayo umasta nang  patayin ng sundalong Kano ang isang bading sa Subic! Krimen lang iyon ng isang sundalo at hindi krimen ng buong Amerika. Ganoon din sa taho girl, kasalanan ng kanyang pagiging bastos ang nangyari at hindi kasalanan ng China.

Ang tingin ko, nauubusan na tayo ng mga pulitikong may common sense kaya dapat lamang sa mga taong ito ay hindi na makabalik sa puwesto. Wala kayong alam kung hindi “taho diplomacy” dahil ganyan lang kababaw ang inyong utak!

Sabi nga ni Atty. Gadon, puro kayo bobo!
allanpunglo@gmail.com