Tama ang posisyon ni PDU30 tungkol sa VFA

February 11, 2020

BAGO ang lahat, binabati natin ang ‘Intramuros Administration’ (IA) sa pangunguna ni IA administrator, Atty. Guiller Asido, sa maganda nitong programa na “maibalik” ang dating “kagandahan” at ‘attraction’ ng Intramuros hindi lang bilang isang ‘tourist spot’ sa Maynila, bagkus, bilang isang ‘historical and cultural site’ na dapat pahalagahan ng bawat Pilipino.

Kahapon kasi ay naimbita ng IA ang National Press Club (NPC) sa isang ‘public presentation’ kung saan inilahad ang ‘restoration plan’ para sa buong ‘Intramuros Complex’ at kung saan din ay marami tayong “natutunan” hinggil sa “kasaysayan” ng lugar batay na rin sa mga eksperto na tumutulong sa proyekto.

Harinawang magtagumpay na ang proyekto dahil nalaman din natin na dalawang “programa” na pala ang naisagawa sa mga nagdaang administrasyon— pero walang nangyari, ahahay!

Translation? ‘Good luck’ Admin. Asido at asahan mong kasama mo ang liderato ng NPC!

Abangan!

***

Ilang araw matapos ang deklarasyon ni Pang. Rody noong Enero 29, na ‘termination’ ng ating ‘Visiting Forces Agreement’ (VFA) sa ‘Tadong Unidos, hindi na tayo nagtataka na lahat na yata ng “Amboy”—American Boys and (Girls)— ay “aligaga” na ngayon kung paano makukumbinsi si PDU30 na baguhin ang kanyang posisyon.

At natatawa na lang din tayo na kasama nila sa kanilang kapal-mukhang pagpapakita na talagang mga “tuta” sila ng Imperyalismong US, ay itong mga komunista, har,har,har!

Abah, huwag ganyan, mga “Bosing” dahil tuluyan na kayong mawawalan ng kredibilidad sa posisyon ninyong ganyan at “titibay” ang hinala na kayo ay sadyang ‘pay-for-a-cause movement.’

Sa hanay ng ating mga mambabatas, mga kongresista at mga senador, “iba” talaga yung higit 200-taon na ngayon na nasa “pundilyo” tayo at impluwensiya ng mga ‘Kano dahil hindi na kailangan pa ni ‘Uncle Sam’ na “maghanap” ng mga “kakampi” upang “mag-ingay” para sa kanila.

Ganito rin siyempre ang “sitwasyon” kahit sa ating Ehekutibo. ‘Sandamakmak din ang mga tuta ng Kano sa kanilang hanay, siyempre naman!

At ang “sabwatan” na ito ay makikita natin sa ginanap na ‘committee hearing’ ng Senado kung saan marami ang nagulat sa “pagsirko” ni DFA Secretary Teddy Locsin!

Kung pagkatapos kasi ng deklarasyon ni PDU30, ‘good move’ (daw) ito sabi ni Sec. Teddy, aba’y sa ‘Senate hearing,’ kailangan na raw ngayon nito ng ‘vigorous review,’ anyare, hehehe!

At siyempre, ‘music to the ear’ ni Sen. Grace Poe— isang American citizen— ang presentasyon ni Sec. Teddy dahil “lumabas” na ang “tunay na kulay” ng ating ‘foreign affairs secretary’ bilang isang ‘true-blooded American Boy’ katulad niya, whah!

Oops! Balikan lang natin na pangunahin sa mga dahilan ni PDU30 sa pagtakbo bilang presidente noong 2016 ay dahil “hindi niya masikmura” (o hindi niya matanggap) na isang ‘American citizen’ (Sen. Grace Poe) ang posibleng maging susunod na presidente ng ating Republika.

***

Uulitin lang din natin na hindi tayo ‘anti-American just for the sake of it, wika nga.

Subalit, katulad ni PDU30, may pagpapahalaga tayo sa itinakbo ng ating kasaysayan at sa mga mahahalagang aral na dapat nating matutunan at palaging ilagay sa ating isipan— hindi natin dapat “iasa” sa ibang bansa ang pagtatanggol sa ating soberenya.

Partikular na sa isang bansa na sa nakaraang higit 200 taon ng ating relasyon ay hindi naman tayo itinuring bilang tunay na kaibigan o bilang isang nagsasariling bansa.

Isang malaking dahilan kung bakit “napag-iwanan” na tayo  sa “kangkungan” ay dahil sa katotohanan na hindi natin magawang mag-isip at umaksyon ng “tayo-tayo” lang bilang mga Pilipino.

Palagi kasing kailangan nating isipin kung “ano” ang “masasabi” o “opinyon” sa bawat isyu ng mga Amerikano.

At sa “laban” na ito kung saan mistulang “nag-iisa” si Pang. Rody sa kanyang posisyon na dumating na ang panahon para tuluyang “makalaya” tayo sa “tanikala” ng kolonyalismo at “neo-kolonyalismo,” eh, gusto nating “maawa” sa ating mahal na Pangulo.

Lumalabas kasi na sa buong gobyerno, “siya” lang ang tunay na makabayan at tunay na patriyotiko!

Bagaman, hindi ka nag-iisa, Pres. Rody, dahil kahit dalawa na lang tayo, suportado ko ang posisyon mo. Ayos ba, hehehe!