Tambalan ng magkapatid, patok sa mga ilegalista

December 11, 2019

PUTOK na putok pala, hindi lang sa Southern District ng Metro Manila at Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) area kundi sa iba pang distrito sa Kamaynilaan ang tambalan ng magkapatid na tawagin na lang natin sa mga alyas na Bryan at Caloy.

Hindi sila kabilang sa entertainment industry tulad ng mga sikat na tambalan ng mga mahuhusay na mang-aawit kundi sa ibang uri ng kanilang estilo ng hanapbuhay dahil may kanya-kanya silang talento sa larangan ng koleksiyon ng intelihensiya.

Patok ang kanilang tambalan dahil si Bryan ay isang kagawad ng pulisya habang ang kanyang kapatid ay isa namang ilegalista kaya’t walang maililihim sa kanilang dalawa kung operasyon ng iligal na sugal ang pag-uusapan.

Pero sabi ng mga kaibigan nating mga pulis, hindi naman nila kinaiingitan ang magkapatid ngunit hindi raw kasi magandang halimbawa ang mga ito sa ipinatutupad na paglilinis sa kanilang hanay lalo na sa iginigiit ng pamunuan ng kapulisan na “no take policy”. Kung totoo raw kasi na ipinatutupad ang naturang panuntunan, tiyak na hindi makakaporma ang tambalan ng magkapatid.

Ipinagmamalaki raw kasi ni Bryan na siya ang overall collector ng intelihensiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaya’t hindi lang Metro Manila ang kanyang sakop kundi ang iba pang mga Police Regional Office na bantog sa dami ng mga ilegalista.

Kailangan daw kasi ng malaking koleksiyon ni Bryan dahil maraming tanggapan sa loob ng Camp Crame ang kailangan niyang bahagian ng biyaya, kabilang ang office of the PNP chief, Intelligence Group, Anti-Organize Crime Division, Counter Intelligence, Special Task Force at iba pa.

Ang kanyang kapatid na si Caloy na operator daw ng sakla sa Zambales, Olongapo at Baguio ang siyang tumatayong kumakausap sa mga ilegalista para maghatag habang katuwang naman nila sa malawak na operasyon ang isang Tata Boy na kahawig daw ng namayapang aktor na si Zaldy Zhornack.

Naalala ko lang ang mahigpit na direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Director P/Brig. Gen. Debold Sinas sa mga opisyal ng kapulisan ang no take policy na tila pumapasok lang sa tenga ng mga nakakarinig at lalabas kaagad sa kabila.

Eset Go vs  Angkas

Sa oras na aprobahan ang rekomendasyon ng technical working group ng Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ng anim na buwan ang pilot run ng Angkas na nagsisilbing pampaseherong sasakyan gamit ang motorsiklo, tiyak na marami pa ang lalahok na kompanya kabilang ang Pilipinas ESETGO Corp. na magsisilbi rin sa mga mananakay, gamit ang motorsiklo.

Inilunsad na kasi ng founder at Chief Executive Officer ng EsetGo na si John Alexis Revilla sa isang hotel sa Paranaque noong Martes ang kanilang kahandaan na makapaglingkod at makapagbigay ng maayos na serbisyo, hindi lang sa mga mananakay kundi sa pagde-deliver ng produkto gamit ang motorsiklo.

Ayon kay Revilla, ang paglahok nila bilang motorcycle taxi ay hindi upang kalabanin ang Angkas kundi upang magkaloob ng mahusay na serbisyo at alternatibo sa mga mananakay at makatulong na rin sa paghahanapbuhay ng mga nagnanais na mag-apply sa kanila bilang rider.

Sa katunayan aniya, hindi sila magsasabi na mas mababa ang kanilang magiging singil sa presyo ng pasahe dahil susunod din nila sa itinakdang sistema ng paniningil sa pasahe ng LTFRB na P50 kada unang dalawang kilometro at P10 dagdag sa mga susunod na kilometro. Kung lumagpas na aniya sa pitong kilometro, P15 na ang dagdag sa susunod na panibagong pitong kilometro.

Sabi ni Revilla, hindi lang ang kapakanan ng mga mananakay at ng tatangkilik sa pagkakaloob nila ng serbisyo ang kanilang layunin kundi magkaroon din ng maayos na pamumuhay ang kanilang mga riders, kabilang na rito ang pagkakaloob ng insurance,  programang pabahay at iba pa.

Sa oras na mapalawig ang pilot run  na ipinagkaloob sa Angkas na mapapaso sa Disyembre 26, inaasahan na hindi lang ang Pilipinas EsetGo ni Revilla ang lalahok sa ganitong uri ng industriya ng transportasyon lalo na’t nagpahiwatig na rin ang iba pang kompanya tulad ng Joy Ride, Citimuber, Sakay, VroomGo at Movelt

Ayuda sa solo parents

Kabilang sa dapat nilang isumite sa paga-apply ay identification card na pinagtibay ng City Social Welfare Development Office at dapat ay hindi sila kabilang sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pambansang pamahalaan o nakakatanggap ng buwanang pensiyon o allowance mula sa pampubliko o pribadong organisasyon.

Ayon kay Mayor Toby, batid niya kung gaano kahirap ang maging solo parent kaya’t hangad niyang matulungan sa pag-aruga ng kanilang mga anak ang mga ito at matiyak ang kanilang magandang kinabukasan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363