Tandem ng mag-asawang Sandoval sa Malabon

January 15, 2019

HINDI maikakaila na malaki ang nagiging pakinabang ng isang lungsod o munisipalidad kapag ang alkalde at kongresistang nanunungkulan dito’y suportado at ka-alyado ng nakaupong pangulo ng bansa.

Kapag ang alkalde at kinatawan sa Kongreso ng isang lungsod ay hindi kakampi ng nakaupong pangulo, asahan na ang kakulangan o tuluyang kawalan nila ng sapat na suporta  sa pambansang gobyerno kaya ang kawawa rito ay ang mamamayan.

Ito ang dahilan kaya’t ipinasiya ni Malabon City Vice Mayor Jeannie Sandoval na tumakbo bilang alkalde ng lungsod dahil hindi kaila sa marami na malapit sa puso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng bise alkalde kaya’t madaling naibibigay ng administrasyon ang hinihingi niyang tulong para sa lungsod.

Kung tutuusin, may isang termino pa ang bise alkalde at tiyak naman ang suportang matatanggap niya sa mga botante kung muli siyang tatakbo sa posisyon pero ipinasiya niyang maka-tandem na kung sakali ang kanyang asawang si Rep. Ricky Sandoval upang maibigay sa mamamayan ang mabilis at mahahalagang tulong at serbisyo hangga’t nakaupo ang Pangulong Duterte.

Nangangahulugan ito na kung papalarin si Vice Mayor Jeannie sa kanyang pagtakbo bilang punong lungsod, ang tunay na panalo ay ang mga mamamayan, lalo na ang maralitang residente ng Malabon.

Naniniwala kasi ang mag-asawang sina Vice Mayor Jeannie na “Wonder Woman” kung tagurian at Rep. Ricky Sandoval na medyo napag-iiwanan na ang kanilang lungsod kung ikukumpara sa ibang siyudad sa Metro Manila kaya’t sisikapin nilang makaungos kahit man lang bahagya ang Malabon at maihanay sa iba pang maunlad na siyudad.

Batid ng bise alkalde ang pagiging competent public servant ng kanyang asawang si Rep. Ricky, patunay na noong kumandidato siya bilang kinatawan ng Kongreso ay maituturing siyang isang “underdog” pero nakuha pa rin niyang lamangan ng libu-libong boto ang kanyang mga nakatunggali.
Centennial Park.

Lalo pang pinalawak ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang kanilang Centennial Park sa Bgy. Bagumbayan North na hindi lang pasyalan, pahingahan at palaruan ng mga bata kundi dito rin ginaganap ang iba’t-ibang mahahalagang aktibidad ng lungsod.

Noon lang Lunes ng umaga ay pinasinayaan nina Mayor John Rey Tiangco at  kapatid na si Rep. Toby Tiangco, kasama si Vice Mayor Clint Geronimo, mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod at opisyales ng barangay ang pinalawig na parke kaugnay din sa pagdiriwang ng ika-113th founding anniversary ng Navotas.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Mayor Tiangco ang Department of Public Works and Highways sa mabilis at mahusay na konstruksyon ng lugar na bahagi lamang ng maringal na plano para sa kanilang Centennial Park.

Sabi naman ni Cong. Toby, ang Centennial Park na binuksan sa publiko noong ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ay dating naging transfer site ng basura subalit pinagyaman ng pamahalaang lungsod at mula noon ay naging lugar ng iba’t-ibang aktibidad at mahahalagang okasyon.

Dinugtong pa ni Cong. Toby na noong palawakin ang R-10 Bridge noong 2011, naapektuhan nito ang ilang bahagi ng parke subalit nanatiling maganda ang lugar bilang pasyalan ng buong pamilya, magkasintahan at magkakaibigan.

Bihira sa maliliit na lungsod tulad ng Navotas ang magkaroon ng ganitong lugar kaya’t tiniyak ng magkapatid na Tiangco na pagyayamanin at pananatilihing maganda, maayos at malinis ang lugar.
Text ng readers

Sir, dito sa amin sa Barangay San Pedro, Purok 11, dami na pong adik. Si Aye bakla ang pusher at user, kilala siya dito sa lugar namin, mahaba ang buhok at laging naka-short, text ng reader na ang huling numero ng cellphone ay 8805.

Nais naman ng isang Ric na ang huling numero ng cellphone ay 7576 na ipatapon na agad ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang opisyal na inakusahang namalo ng kahoy sa tatlong pulis at nanigaw daw ng MMDA personnel noong araw ng traslacion.

Text naman ng isang vendor sa Sangandaan, Caloocan, matagal na raw silang pinayagan ni Mayor Oca na magtinda sa bangketa pero nang maglagay daw ng tiangge ang isang opisyal ng city hall na kilalang sanggang-dikit ni mayor sa isang bakanteng lote sa Sangandaan, pinahuhuli na sila ng opisyal para sa kanyang tianggian na pumunta ang mga mamimili. Malakas daw kasi ang loob ng sanggang-dikit ni mayor na gumawa ng kabulastugan dahil walang kalaban sa eleksiyon ang kanyang amo pero tatandaan daw nila ito dahil pag natapos na ang termino ng alkalde, hindi na nila iboboto ang ie-endorso nito.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.