Taob sila kay Bato!

NAPANOOD natin ang senatorial debate na inisponsor ng CNN Philippines sa University of Sto. Tomas (UST) noong nagdaang Sabado.

Naging matagumpay at makabuluhan ito dahil na rin sa galing, husay, talino at katapatan ng mga naggagandahang moderator na sina Ms. Pia Hontiveros at Ms. Pinky Webb.

Kahit anong gawing panggugulo ng ilang hakot na ‘audience’ sa loob ng ‘Quadricentennial Pavillion’ ng UST, maayos silang nasaway at nasita nina Webb at Hontiveros.

Tatlo lamang sa kandidato ng administrasyon ang dumating sa nasabing debate. Sila ay sina reelectionist Seantor JV Ejercito, si dating Local Government Sec. Rafael Alunan at dating PNP chief Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Samantalang sa ipinagmamalaking Otso Diretso ng Kampon ng Dilawan ay anim naman ang dumating at sila ay sina Atty. Romy Macalintal, Cong. Erin Tanda, Atty. Florin Hilbay, Samira Gutoc, Chel Diokno at si Magdalo Rep. Gary Alejano.

Si independent senatorial candidate Cong. Neri Cominares ay dumating din sa debate, samantalang halos isang oras namang late si dating Biliran Rep. Glen Chong na isa ring independent candidate.

Tulad ng inaasahan, pilit sinisiraan ng oposisyon ang kasalukuyang administrasyon. Una na rito ang diumano’y pagiging tahimik ni Duterte sa isyu ng West Philippine Sea, gayundin ang problema sa Tubig at Enerhiya.

In fairness sa oposiyon, may punto ang ilan nilang pinagsasabi, partikular na ang pagiging malamya ng Malakanyang sa isyu ng agawan sa mga islang sinasakop ng bansang China.

Halos nagkakaisa rin ang kandidato ng oposisyon at administrasyon tungkol naman sa rami ng bilang ng mga Chinese workers na nagtatrabaho sa Pilipinas.

Sa mga inilatag na usaping panlipunan ng CNN Philippines, usapin sa droga ang lalong nagbigay buhay sa naganap na debate.

Dito tayo napahanga ni Bato dela Rosa dahil kahit anong gawing akusasyon ng mga oposisyon na sina Hilbay, Diokno, Cominares, Gutoc, Tanada at Macalintal, maayos silang nasagot ng dating PNP chief.

Totoong balot ng kontrobersiya ang giyera kontra droga ng Duterte administration pero kung pagbabatayan natin ang mahigit 65 percent na approval ng ating mga kababayan, sigurado tayong kahit anong gawing paninira ng hanay ng oposisyon, lalo lamang silang walang makukuhang suporta sa taumbayan.

Sa lahat ng halos ng ‘pambu-bully’ ng oposisyon, maayos silang nasagot ni Dela Rosa nang walang pag-aalilangan at buong katapatan.

Pati ang isyu ng batang nasawi dahil sa ‘extra-judicial killings’ na si Gian delos Santos ay pilit pang binuhay ng Otso Pundido, ngunit nasupalpal sila nang sabihin ni Bato na ang mga pulis na sangkot dito ay nakakulong na at ipinagharap na ng kaukulang kaso.

Ayon pa kay Bato, kasabay ng giyera kontra droga ay ang wala ring humpay na paglinis sa hanay ng pambansang pulisya. Inamin nito sa taumbayan na may iilang pulis ang patuloy na gumagawa ng masama, pero mas marami pa rin aniya ang matino.

Sabi ni Hilbay, ‘bigo’ raw ang kampanya sa illegal drugs dahil ang maliliit na drug pushers lang daw ang napapatay pero ang mga tunay na drug lords ay hindi.

Totoong marami pang drug lords ang nagtatago na sa alagad ng batas ngayon. Pero kung babalikan natin ang nakaraan, bakit dati hindi rin nagawang ipahuli ng Aquino administration ang mga tinutukoy nilang drug lords?

Hindi ba’t ilang buwan matapos maluklok sa Malakanyang si Duterte noong taong 2016 ay umabot pa sa 1.26 million ang mga sumukong drug addict sa pamahalaan?

Panahon ba nino nang umpisa silang malulong sa droga? Hindi ba’t nagdaan din sila sa administrasyon ng mga Aquino at sa kasamaang palad, walang ginawa ang pamahalaan para sila ipaaaresto.

Dahil sa kapabayaan ng nakalipas na administrasyon, umabot na po sa pito hanggang walong milyon ang drug addict sa Pilipinas.

Sa puntong ito, kaisa tayo ni Bato dela Rosa sa nagsasabing walang karapatan ang hanay ng oposisyon na magbintang na bigo ang Pangulong Duterte sa kampanya laban sa droga dahil kung mayroong tunay na bigo at inutil tungkol sa programa laban sa ipinagbabawal na gamot ay walang ibang may hawak ng trono nito kundi ang nagdaang Aquino administration mismo.

Sabagay, sa nagdaang debate, lampaso ang pagiging abogado nina Hilbay at Tanada kay Bato dahil lahat ng akusasyon nila ay maayos na nasagot isa-isa ng dating heneral.

Sa ginawang iyon ni Bato, higit lalong tumaas ang moral ng 181,000 na kabuuang bilang ng PNP na halos nasa hukay na ang isa nilang paa para lamang gampanan ang sinumpaang tungkulin na labanan ang mga kriminal sa lipunan.

Alam ko, kahit sina PNP chief Gen. Oscar Albayalde at ang lowerclassman nilang si NCRPO chief Major Gen. Guillermo Eleazar, pati ang ilan pang opisyal na pambansang pulisya ay ‘proud’ sa ipinakitang ito ni Bato.