‘Throwback videos ang pastillas scandal?’

February 19, 2020

IN fairness, impressive ang ‘performance’ ni Senator Risa Hontiveros, bilang chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, lalo’t unti-unti nitong napapalalim ang imbestigasyon kaugnay sa mga anomalya sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Una’y nabunyag sa isinagawang Senate hearing ang menu sa pag-order sa mga China girls na kinakalakal sa prostitusyon sa Pilipinas. Ikalawa’y ang diumano’y sapilitang pagtatrabaho ng ilang kababaihang Tsino sa POGO na maituturing na bahagi ng ‘human trafficking’ at pang-aabuso sa kababaihan.

Nitong nagdaang Lunes, isang video ang iniharap sa pagdinig kung saan kitang-kita ang mala-VIP treatment sa ilang POGO workers na dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isang empleyado ng Bureau of Immigration (BI) pa ang nakita sa naturang video na nakikipagtransaksiyon tungkol sa illegal na kalakaran ng pagpasok nila sa Pilipinas, kapalit ang P10,000 lagay kada Tsino.

Ang tawag sa kalakarang ito ay ‘Pastillas.’

“Tinanong ko bakit pastillas ang tawag. Dati daw kasi, wala pang mga sobre (tongpats) so nilalagay sa bond paper at niro-rolyo na parang pastillas. Ngayon, mas professional na: may sobre, parang legit na pasuweldo, may bonus pag perfect attendance, at may pa-lunch pa mula sa mga Chinese,” ani Hontiveros.

Sa P10,000 bayad ng bawat papasok na Chinese, P2,000 lamang ang pumapasok sa kaban at yung natitirang P8,000 ay pinaghahati-hatian na ng mga ganid na opisyal at empleyado ng BI.

“Somebody sold our country’s borders for Chinese money. Kung sasabihin nating P1 million ang pumapasok na Chinese gamit ang ‘pastillas’ system,’ P1  billion na ang nabayad na kickback. At sinu-sino naman silang naghahati-hati rito,” sabi pa ng senadora.

Sa puntong ito, hayaan nating bigyang-pugay si Hontiveros dahil sa pagsisiwalat ng anomaly sa POGO at BI.

Ang problema, ilang source sa BI main office ang nagsabi sa atin na ‘recycled video’ raw ang iniharap ni Risa sa Senado.

Kuha pa raw ito noong Enero 2018 na ang mismong nagbigay ng ulat kay BI Commissioner Jaime Morente ay ang kolumnistang si Mon Tulfo.

Nagkaroon na umano ng reporma sa BI dahil sa nasabing video. Katunayan, ang lalaking nasa video na si Immigration Officer 2 Chevy Chase Naniong ay nasampahan na ng administrative case.

Dati umano itong member ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU) sa NAIA at na-demote bilang primary officer ng NAIA 1. Dito, salto si Commissioner Morente. Alam na pala niyang may video tungkol kay Naniong, bakit hindi pa niya ito tinanggal sa NAIA noon pang 2018. Ngayon lamang niya ito inilagay sa ‘floating status’ kung kailan inilabas ang ‘throwback videos’ ni Hontiveros.

Limang Immigration Officers na ang tinanggal sa puwesto ni Morente dahil sa ‘Pastillas scandal.’ Sila ay sina TCEU overall head Timmy Barizo, NAIA-Terminal 3 head Bradford So, NAIA Terminal 2 head Dennis Robles; NAIA Terminal 1 head Jonathan Orosco; at Airport Operations Section (AOS) chief Elsie Lucero.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, ang pagsibak sa lima ay hindi nangangahulugang sangkot na sila sa anomalya. Tinanggal lamang sila sa puwesto upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa Pastillas Scandal.

Sa ganang akin, puro mga sikat sa BI itong mga tinanggal na ‘to. Lalo na si Robles na matagal na nating naririnig sa BI.

At bago ako magtapos, kumusta naman kaya ang ‘alleged whistleblower’ ni Hontiveros na si Immigration Officer Alyson Chiong na siya ring kumuha ng video?

Hindi na raw ito nagpapapasok sa BI ngayon at animo’y nagtatago na.

Paano naman kaya nakasisiguro si Senadora Risa na malinis din si Chiong at hindi ‘bukulan’ sa ‘Pastillas’ ang dahilan kaya niya kinunan ng video ang transaksiyon noon ni Naniong.

Sa puntong ito, nagtataka lang tayo kung bakit tahimik masyado si DoJ Sec. Menardo Guevarra sa Pastillas Scandal?

Nasa ilalim ng pamamahala ng DoJ ang BI at sariwa pa sa isipan ng taumbayan ang anomalyang kinasangkutan noong taong  2016 nina dating BI Deputy Commissioners Al Argosino at Mike Robles nang kumuha umano ng ‘tongpats’ sa gaming tycoon ng halagang aabot sa P50 million.

Sa iskandalong iyon ay nasangkot din ang pangalan ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre.