Tulungan natin ang pamahalaan

MUKHANG panay problema ang haharapin ng gobyerno sa natitirang 27 buwang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mahìhirapang bumangon ang mga maliliit na negosyo na napilitang magsara dahil sa Covid 19.

Hindi sila basta makakukuha ng trabahador dahil wala naman silang kinita kaugnay ng ipinatupad na ECQ.

Saan papasok ang mga nawalan ng trabaho?

Paano na ang kanilang pamilya?

Idagdag pa ang maraming OFW at seafarers na nagsibalik o pinauwi sa bansa ng kanilang mga employer.

Malaking problema ito dahil dadagdag na naman ito sa malaking bilang ng walang trabaho nating mga kababayan

Ito ay ilan lang sa mga problemang kakaharapin ng gobyerno sa natitirang termino ni Pangulong Duterte kaugnay ng Covid-19.

Kailangang maging mahinahon lang ang lahat. Kailangan ang pakipagtulungan sa gobyerno.

Sa totoo lang, hindi lang Pilipinas ang apektado ng ganitong sitwasyon kundi buong mundo.

Tumigil ang kalakalan sa halos lahat ng bansa gawa ng Covid 19.

Tulungan natin ang pamahalaan.

Hanggat nandiyan ang salot na virus, lalo pang lalaki ang problema ng ating bansa.

***

Biru-biruan ngayon sa mga umpukan na maraming manganganak pagdating ng Disyembre o Enero sa isang taon.

Maituturing na biro, pero may basehan kaugnay ng Covid-19 pandemic.

Dahil nga halos lahat ng tao ay napilitang mamalagi sa loob ng bahay, baka marami sa mga mag-asawa ay nakalimutan na ang family planning program ng gobyerno.

Ayon sa statistika, ang mabilis na paglobo ng populasyon ang isa sa mga dahilan kung bakit may malawakang kahirapan sa maraming bansa.

Hindi masama ang magkaanak pero kaya bang buhayin ng mag-asawa ang maraming anak?

Ito ang katanungan ng mga sektor na nagsusulong ng family planning sa bansa.

Dati iilang bahay lang ang nakatayo sa maraming parte ng bansa.

Ngayon dikit-dikit na ang mga bahay hindi lang sa mga syudad kundi pati na sa maraming bayan sa probinsiya.

Kitang-kita ang mabilis na paglobo ng populasyon, lalo na sa mga lugar kung saan maraming informal settler.

Makikita niyo na napakaraming bata sa lugar.

Pagkatapos ng Covid-19, dapat magsagawa ang mga LGU ng census para malaman kung ilan ang nabuntis habang naka Enhanced Community Qurantine ang Luzon at ibang parte ng bansa.

Mahalagang malaman natin ang epekto ng ECQ sa family planning program ng gobyerno.

Ito ay para alam natin ang mga dapat gawin sakaling magkaroon muli nang problema na kagaya ng Covid-19.

***

Nabuhos ang atensyon natin sa rumaragasang Covid-19.

Natural na reaksyon lang naman ito  dahil hindi biro ang sakit na dulot ng Corona virus.

Sa totoo, naparilasa ang buong Luzon at ibang parte ng Visayas at Mindanao.

Ibang kalseng sakit ang Covid-19 na problema ngayon sa buong mundo.

Hindi dapat tumigil sa pagiimbestiga ang U.N. kung paano at ano ang totoong pinagmulan ng salot na Covid 19.

***

Pagkatapos ng pandemic, dapat tulungan rin ng gobyerno ang mga taong nagtatrabaho sa aduana, kung saan kumukuha ang gobyerno ng perang ginagamit nito araw-araw.

Maraming naapektuhang port users, lalo na ang mga maliliit na importer at customs brokers.

Dapat lang na mabigyan ng ayuda ang mga ito dahil kasama sila sa mga taong pinanggagalingan ng pera ni Juan dela Cruz.

Tulungan silang makabangon.

Maraming klaseng tulong ang pwedeng ibigay sa kanila.

kailangan lang ay magkaroon ng pag-uusap ang mga stakeholder para mabilis na matugunan kung anong ayuda ang pwedeng ipagkaloob sa kanila.

Mainam na malaman ng gobyerno ang saloobin ng mga importer at broker.

Tama ba kami, Pangulong Duterte, Finance Secretary Sonny Dominguez at Customs Chief Rey Guerrero?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan. )