‘Unrealistic’ ang 2020

March 04, 2020

NGAYONG taon ay mayroong tinatawag na “must-do targets” ang Bureau of Customs (BoC).

Nasa taas ng listahan ang pagandahin ang tax collection performance ng ahensya.

Pumapangalawa ang paglaban sa graft ang corruption at iba pang iligal na gawain sa aduana.

Alam naman ng lahat na kaya nandiyan ang BoC, kagaya ng Bureau of Internal Revenue, ay upang mangolekta ng buwis para kay Juan dela Cruz.

Sa totoo lang, nasa BoC at BIR ang buhay ng gobyerno.

Ang dalawang ahensyang ito ang pinanggagalingan ng pondong ginagamit ng gobyerno para tustusan ang operasyon nito araw-araw.

Ang problema lang, maraming “tulisan” sa aduana na karamihan ay may mga “doctorate” na kung ang pag-uusapan ay katarantaduhan.

May kanya-kanyang “specialization” kagaya ng mga tunay na doktor.  

Marami ang nagsasabing kailangang gumamit ng “kamay na bakal” si Commissioner Guerrero para ma-attain ang kanyang mga “must-do-target.”

Pero hindi kagaya sa giyera na kailangang patayin mo ang kalaban para magtagumpay ka.

Sa aduana, nahuli mo na sa akto ang ismagler at mga kasabwat nito pero kailangan mo pang i-demanda sa korte ang mga suspek.

Dahil mapera at ma-impluwensiya, puwede pang maabsuelto ang mga damuho.  

Alam naman natin na kayang-kaya nilang kumuha ng magagaling na abogado.

Ito ang mga problema na nagpapahirap sa gobyerno para wakasan ang  mga kalokohan sa mga pantalan.

Wala tayong magagawa dahil sa demokrasya, ang isang akusado ay “inosente” hanggat hindi  napatunayang nagkasala ng huwes.  

Iyan ang malungkot na katotohanan.  

***

Mayroon na lang labin-siyam na “working days” at matatapos na ang unang quarter ng 2020.  

Pagkatapos ng first quarter ay makikita na kung sinu-sinong district collector ang dapat tutukan ni Sir Jagger.

Ang mga kolektor na mabibigong maabot ang kani-kanilang  assigned tax take sa unang tatlong buwan ng taon ay kailangang i-monitor na maige ang mga ginagawa.  

Napakalaki at unrealistic ang 2020 collection target ng BoC  na P731 bilyon.  

Mahirap talagang maabot, laluna’t maraming problema ngayon ang bansa.  

Nandiyan ang COVID-19, African Swine Fever, pababang volume ng import, ismagling at iba pang problema.

Hindi puwedeng hindi pukpukin ni Commissioner Guerrero ang kanyang mga tauhan.

Huwag niyang bigyan ng pagkakataon ang mga naglalaway sa kanyang puwesto na siya’y banatan.

Naghihintay lang ang mga ito na malingat si Sir Jagger, lalona’t palapit na ang 2022 presidential polls.

Sir Jagger, ingat-ingat lang.  

***

Ramdam na ang  tag-araw sa bansa.

Maalinsangan na ang panahon , lalo na sa tanghali.

Pero marami namang natutuwa dahil panlaban daw sa Coronavirus ang init.

Mas mabuti ng naiinitan kaysa tamaan ng nakakamatay na COVID-19.

Pero may Coronavirus o wala, dapat lagi tayong maghugas na maige ng mga kamay at panatilihing malinis ang paligid.

Mas maige nang sumusunod tayo sa mga protocol ng Department of Health at iba pang concerned government agencies.

Tama ba, Health Secretary Francisco Duque lll ?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)