‘Unsolicited advice’ kay Dani Barretto!

PAPATIUNA na po ang inyong lingkod.

Hindi ako nakikisawsaw sa isyu ng mag-amang sina Kier Legaspi at panganay na anak nitong babae na si Dani Barretto sa aktres na si Marjorie Barretto.

Matagal ko nang kaibigan si Toppy, palayaw ni Kier, kaya natural lamang din na ipaalam sa publiko ang mga maling paratang laban sa kanya.

Bilang kaibigan, ramdam ko kung gaano kasakit ang paratangan ng isang anak na sarado na ang isipan.

Sa mga hindi nakakaalam, usap-usapan ngayon sa social media ang mga komentong inilabas ni Dani laban sa amang si Toppy.

Inamin nito na may anim na taon na silang hindi nag-uusap mag-ama.

Karapatan ninuman na magtampo kaninunan -- sa kaibigan man iyon, magulang, kapatid, kamag-anak o kahit kapitbahay at kakilala man lang.

Pero para magbigay ng pahayag sa  ‘social media’ laban sa iyong ama -- mali ito sa mata ng publiko.

Maaaring tama ka na hindi naging perpektong ama si Toppy sa inyong magkakapatid ngunit bilang panganay na anak, alam mo sa sarili mo ang mga dahilan kung bakit ‘hirap’ ang Papa mo na makita kayo dahil hindi ganoon kadali na ‘hiramin’ kayo sa inyong ina.

Daig pa ng Papa mo ang isang pulubi para lamang mamalimos ng oras n’yo.

Madalas, sa aming mga kaibigan, kapag napupunta na ang usapan tungkol sa mga anak, palaging may mababanaag na lungkot sa mga mata ni Toppy.

May labis na pananabik, pangungulila at panghihinayang. Panghihinayang dahil gusto man niyang iparamdam sa inyo kung gaano niya kayo kamahal, mayakap at sabik na makita ay  hindi niya magawa dahil hindi sa lahat ng oras ay pumapayag ang Mom mo na ipahiram kayo sa Papa mo.

I-share ko lang po sa inyo. Ang aking bunsong anak ay 13-taong gulang. Sa tuwing nakikita niya ang aking bunso, labis ang pagiging magiliw ni  Toppy sa bata. Kahit hindi sabihin, ramdam mo sa kanya ang pananabik na makasama rin ang kanyang mga anak.

Totoong wala ako sa posisyon para manghimasok sa buhay n’yong mag-ama.

Pero bilang ama rin ng dalawang anak -- ang panganay ko ay licensed engineer na ngayon -- gusto ko lang ipaalam sa iyo na masakit para sa isang magulang ang makarinig ng mga hindi magagandang salita mula sa kanyang anak.

Higit lalo kung ipinaaalam pa ito sa publiko at social media.

Sana lang, iha, kung may problema kayong mag-ama, solohin n’yo na ito. Unang-una kasi, hindi ka naman ‘showbiz’ para makisawsaw pa sa mga intriga. Oo ang tatay, nanay, lolo, kapatid at mga tita mo ay miyembro ng industriya, pero ikaw hindi.

Kaya kung mayroon man taong gusto ng private life mula sa pamilya ng mga showbiz, ikaw ang dapat na gumawa noon.

Pero dahil isa ka nang blogger ngayon, parang ang tingin ko ay gustong-gusto mong pag-usapan ang ‘baho’ ng inyong pamilya.

Kasi, marami nga naman ang iyong viewer kung ‘intriguing’ ang iyong topic, lalo na kung tungkol sa mga Barretto at Legaspi family ang pinag-uusapan.

Mag-isip kang mabuti Dani. Ang tatay mo, mula sa pagpapa-cute noon sa That’s Entertainment, Matinee Idol, action at comedy movies, hindi ito nasangkot sa anumang gulo hanggang ngayon.

Karamihan sa mga ka-batch niya ay nasangkot sa kontrobersiya lalo na sa illegal na droga.

Pero ang iyong ama, bukod sa nahihilig mag-alaga ng aso, paglalaro ng tennis at bisikleta ay miyembro ng ‘Ang Dating Daan.’

Na kahit anong busy nito sa trabaho, hindi siya nakalilimot magsilbi at ipatupad ng tama ang mga aral sa Bibliya.

Tahimik na namumuhay ngayon si Toppy, kasama ang non-showbiz wife  na todo suporta rin sa iyong ama.

Ayaw kong sabihin na may pagkukulang din ang ‘nanay’ mo kung bakit hindi ka man lang sitahin para pagbawalang wag nang magsalita ng masama laban sa iyong ama.

Ngunit  ayaw ko rin lalong isipin na kaya mo lang ginagawa ito ay para tumaas ang ‘hits’ o viewer mo sa social media dahil isa ka nang blogger ngayon o social media influencer.

At bilang isang ‘social media influencer,’ alam mo sana ang tamang aral at pag-uugali kung paano impluwensiyahan ang mga tagatangkilik.

Totoong karapatan mong magsabi ng gusto mong sabihin, pero sana ilagay mo sa lugar dahil kahit anong sabihin at gawin mo, ama mo pa rin ang Papa mo.

Na tulad ng sinabi kong hindi man perpektong ama, nasisiguro kong isa siyang mabuting mamamayan at isa sa mabait na tao sa showbiz.

Isinusulat ko ito’y nasisiguro kong pag-uusapan pang lalo ang kontrobersiyang nilikha ni Dani dahil sa Instagram kamakalawa, naglabas na rin ng pahayag ang tiyahin nitong si Gretchen Barretto.

Ang catch, ipinagtatanggol ni Greta si Toppy at sinasabi nito sa publiko na hindi masamang tao ang kanyang ex-bayaw.

Tapos sa esklusibong Saint Pedro Poveda College si Dani kaya nasisiguro kong kasama sa aral nito ang nilalaman ng 10 Utos ng Diyos.

Ang ikaapat sa 10 Utos ng Diyos ay Igalang mo ang iyong Ama at Ina.

At hindi gawain ng isang paggalang ang siraan ang iyong ama sa social media.

Sana, magkaroon pa kayo ng pagkakataong mag-usap na mag-ama dahil kahit saan, kahit kailan at kahit ka nagkakaganyan, hindi magagawa ng Papa mong siraan ka sa harap ng publiko.

Bilang kaibigan ng Papa mo, Ms. Dani Barretto, ako na ang nagsasabi sa iyo, mahal na mahal kayo ng Papa n’yo!