Video karera sa teritoryo ni Mayor Oca Malapitan?

‘WAG sanang isipin ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan na sinisiraan ko siya sa titulo nating ito.

Mas gusto nating isipin ni Yorme na tinatawagan natin siya ng pansin dahil baka binubulag na siya ng buong Caloocan Police Force.

Hindi ko kilala si Police Colonel Restituto Arcanghel, hepe ng Caloocan City police station. Kaya wala ring dahilan para magdamdam sa atin ang opisyal.

Tulad ni Mayor Oca, magandang pagkakataon ito upang i-counter check ni Col. Arcanghel ang detalyeng tinutukoy natin dahil kung tutuusin, halos kalahating taon nang talamak ang video karera sa buong Caloocan City.

Ang operator ng VK sa Kankalo ay si Brigette na mula pa sa Southern Tagalog.

Ang catch, wala na ngang ginagawang aksiyon ang Caloocan police para masawata ang mga makina ni Brigette, habang tumatagal ay parami nang parami ang VK sa buong siyudad -- mula city proper hanggang bukid area.

Nakatutuwa pang pagmasdan dahil iyong ibang local official na umiikot para mangampanya ay nakikita nila mismo na may mga makina ng video karera sa ginagawa nilang ‘house to house campaign,’ pero pati sila ay mistulang nagbubulag-bulagan.

Mistulang walang kalaban sa pulitika si Malapitan kasi sa rami ng magagandang nagawa nito, maroya ng taga-Caloocan ang nagsasabing si Mayor Oca ang ‘the best mayor’ nila sa kasaysayan ng lungsod.

Kaya inuulit kong wala akong planong siraan siya sa publiko, gayundin si Col. Arcanghel.

Huli nating nakausap si Mayor noong nakaraang buwan nang makapanayam natin siya sa telepono tungkol sa pagsasabing hindi bawal sa Caloocan ang pagsusuot ng maiikling shorts.

At tulad ng marami niyang kababayan, pabor din tayo sa patakaran niyang ito na naglalayong ibasura ang naunang City Ordinance na nagbabawal sa short shorts sa mga kababaihan.

Ang problema lang ngayon, hindi na nga ipinagbawal ang ‘kuyukot shorts’ sa lungsod, para namang pinapahintulutan na rin ang sugal na video karera.

Para sa kaalaman nina Mayor Oca at Col. Arcanghel, ang ipinagmamalaki ni Brigette ay isang alyas Itoy, Tata Iking, Junjun o Felix.

Diumano, si Itoy ay nagpapakilalang bagaman ng mataas na opisyal sa Caloocan Police. Si Tata Iking naman ang nagpapakilalang kolektor sa Northern Police District (NPD) na pinamumunuan ni Police General Rolly Anduyan. At itong si Junjun, alyas Felix ay kamag-anak ng isang malapit na tauhan ni Mayor Oca.

Ngayon, kung talagang gusto ni Mayor Oca na malinis sa video-karera ang buong Caloocan, mas magandang ipatawag nito si Col. Arcanghel para ipahanap sina Itoy, Tata Iking, at Junjun o Felix.

Magaling, masipag at matalino ang secretary to the mayor ni Ka Oca na si Ma’am Betsy kaya kung ito ang tatanungin ni Yorme, sigurado akong madaling ma-trace ang mga binanggit nating kumag na kolektor sa illegal gambling.

Kasi hindi malayong, nabubukulan na nga ng pera linggu-linggo si Mayor Oca, nasisira pa ang kanyang magandang pangalan.

Sa latest info, mahigit 300 makina ng VK na ang nakalatag sa lungsod at kung imu-multiply natin ang ‘payola’ sa VK P1,500 ang timbre sa makina kada lingggo, aabot sa P450,000 weekly ang kanilang koleksiyon.

Hindi na masama ito dahil kahit kanino itanong, kapag may video-karera ay mayroon ding shabu.
    Sana ay kumilos agad dito sina Mayor Oca. Sana lang po, Mayor