’Wag pansinin si Erin Tañada!

February 23, 2019

PIYESTA sa social media ang kampon ng dilawan!

Nakahanap sila ng dahilan para ‘bakbakan’ si reelectionist Senator Sonny Angara.

Nais daw kasi ni Otso Bolero senatorial bet Atty. Erin Tañada na makadebate ang kaibigan nitong si Angara sa Plaza Miranda ganap na alas-12  ngayong tanghali.

Nai-post ito ni Tañada sa kanyang Twitter at pabirong nag-reply si Angara na payag sila sa debate sa Senado sa Hunyo ng taong kasalukuyan na ang ibig sabihin, after election na, lalo’t kung ang tingin nito ay mananalo ang opposition candidate ngayong senatorial elections.

Aba ang mga mokong na miyembro ng kulto ng dilawan sa social media ay kabi-kabila na ang komento. Na kesyo takot daw si Angara kay Tañada.

Halata mong gumagawa sila ng isyu para mapag-usapan sila ng masa!

Bakit nga naman hindi eh lantad ang katotohanan na ang  kandidato nilang si Tañada ay kulelat at pang-ilalim sa survey.

Hindi ko kilala si Tañada pero naaawa ako sa kanya noon pa.

Taong 2013 pa ay dapat  tumakbo na ito sa pagka-senador sa ‘midterm elections.’ Kaya lang, hindi siya sinuportahan ng boss niyang si Noynoy Aquino at ibinasura ang kanyang kandidatura ng mga namumuno mismo sa Liberal Party.

Ngayon na lang siya pinayagang tumakbo ng LP ngayong wala na silang follower at wala na ring matinong pulitiko na samahan ang kanilang partido.

Kung kailan palubog na ang barko ng LP ay saka siya ngayon pinayagan na tumakbo sa halalan.

Hindi ba kaawa-awa si Tañada?

Kung ‘strategy’ ang pag-uusapan, tama ang pakulo ni Tañada -- ang sakyan ang popularidad ni Angara dahil pang-apat ito sa pinaka-latest na survey ng Pulse Asia nito lamang nakalipas na buwan ng Enero.

Samantalang si Tañada na miyembro ng Otso Diretso ay pang-29 sa pinakahuling survey. Isip ko tuloy, ano bang Otso Diretso ito? Saan sila didiretso? Sa kangkungan ba o sa basurahan?

Kung ako kay Senador Sonny, hindi ko na papatulan pa ang mga hamong ganito ni Tañada dahil gagamitin lamang ang kanyang popularidad para tumaas naman ang ‘awareness’ ni Erin sa taumbayan na ‘never heard’ din naman!

Sa salitang kanto, ang tawag dyan, Mr. Tañada ay ‘style mo bulok!’ Kasing bulok ito sa diwa ng Edsa revolution!

Basado na ang mga taktikang ganyan, mga ate at kuya.  Gasgas na yan at ‘osla’ na, noon pa.

Payo ko kay Sonny, tuloy lang sa tamang pagbibigay ng mensahe sa taumbayan kung bakit pa siyang dapat ibalik sa Senado.

Ang debate kasi sa paggawa ng batas ay hindi lamang ngayong halalan, kundi ginagawa iyan sa plenaryo na napatunayan mo namang epektibo at magaling ka sa nakalipas na anim na taon.

Bago nga pala maghamunan ng debate sina Tañada at Angara, tanong muna natin ang ‘score’ nila sa bar exam at kung sino ba sa kanila ang take one lang,  take two o take three!