‘Wag sanang mag-ala PhilHealth scam ang isyu sa DOT!

DAANG bilyong piso ang pinag-uusapan ngayon sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso hinggil sa mga pinagsamantalahang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ‘biggest scam of all times’ kung sakaling ma-trace kung sino talaga ang mga nakinabang dito.

Sa taya pa lang ni Atty. Thorson Keith, nag-resigned na Philheath anti-fraud officer, may P15 billion na agad ang umano’y winaldas at ninakaw sa taong 2019 pa lamang. Wala pa riyan ang kuwestiyunableng multi-billion peso Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth; samantalang si Presidential Anti-Corruption Commission chief Greco Belgica ay nagsabing sa tantya pa lang niya ay P3 million ang nawawala linggu-linggo sa nasabing ahensiya.

Sa natitirang  dalawang taon sa puwesto ng Pangulong Duterte, umaasa ang taumbayan na magkaroon ng malinaw na kasagutan, may makasuhan at makulong hinggil sa naturang iskandalo na tinatawag ding ‘crime of the year’ ni Atty. Keith. Para sa taong 2019 at kalagitnaan pa lang ng 2020 ang tinutukoy ng abogado, wala pa rin ang mga naunang kontrobersiya sa nakalipas na taon.

And speaking of corruption sa PhilHealth, magandang talakayin na rin natin dito ang kontrobersiya na bumabalot ngayon sa Department of Tourism na nasa ilalim ng pamamahala ni Sec. Berna Romulo Puyat.

Tama ang sinabi mo Journal senior reporter/columnist at National Press Club (NPC) Vice-President Paul Gutierrez, marami ang nagtataka ngayon kung bakit nagkukumahog ang magandang Tourism secretary na ipalabas agad ang P10 billion pondo bilang tulong sa lugmok na tourism industry ng bansa.

Hindi ko sinasabing may anomalya agad tungkol dito, ngunit hindi rin natin masisi ang taumbayan na magtaka kung bakit nagmumukhang sunud-sunuran si Puyat sa lahat ng gusto ni Tourism Congress of the Philippines president Jose Clemente III na bigyan ng direktang tulong o “dole out” ang mga pribadong kumpanya sa tourism industry gayong labag ito sa itinatadhana ng batas.

Sabi ‘nga, para na lang spokesperson si Puyat, na halos inuulit ang sinasabi ni Clemente. Nang sabihin ni Clemente na dapat daw ibalik ng Kamara de Representante ang nilagay na P10 billion ng Senado sa panukalang Bayanihan To Recover As One Act  na pautang at tulong para sa tourism sector sa halip na ilaan para  sa tourism infrastructure, ganundin ang naging linya ni Puyat. 

Para sa kaalaman ng lahat, may P10 billion inilaan ang Senado sa bersyon nito ng Bayanihan To Recover as One Act  o Bayanihan 2 bilang pautang sa tourism sector. Sa bersyon ng Kamara, ang P10 billion ay nilaan para sa mga infrastructure projects ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority's (TIEZA).

Ang suporta para sa turismo ay nasa ilalim ng P51 billion na ipapasok na kapital sa government financial institutions (GFIs) upang maipautang sa iba’t ibang negosyong napeste ng COVID-19, kasama na riyan ang tourism industry.

Para sa mga mambabatas, ito ang tama at legal na paraan upang matulungan ang mga pribadong negosyo sa tourism sector. Hindi uubra ang sinasabi nina Puyat at Clemente na mga programa diumano ng Department of Tourism (DOT)  sa pagpondo sa mga negosyante ng tourism industry.

Tulad  ng sinabi ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, bawal ang pagbibigay ng dole out sa mga pribadong kompanya, na siyang pinupunto ng gusto nina Puyat at Clemente sa paglalaan ng P9.5 billion bilang pondo para matulungan ang mga negosyong  tulad ng hotels, resorts at travel agencies gaya ng Rajah Tours na pag-aari ni Clemente. 

Upang maging maayos at matulungan ang mga karapat-dapat, ang tamang proseso ay padaanin ang pagbibigay ng mga pautang sa tourism industry sa mga GFIs tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines.  Ang mga bangko ang mas nakaaalam kung sino ba ang dapat tulungan, magkano ang dapat ipautang, at paano ito mababayaran. Walang kakayahan ang DOT na gawin ito dahil hindi naman nila trabaho ang magpautang.

Kaya marami ang nagtataka kung bakit nga ba atat na atat si Puyat na makuha ng DOT ang P9.5 billion, kasama na ang natitirang P500 million para daw sa “support programs” sa tourism industry?

Ang nakagugulat pa, bigla ang pagkambiyo ni Puyat  sa pagsang-ayon kay Clemente na hindi na kailangan ng tourism industry ngayon ang imprastraktura, samantalang noong nagdaang Marso ay  pinagmamalaki nitong  may P14 billion ang TIEZA para sa infrastructure projects na siyang makatutulong sa pag-ahon ng turismo mula sa krisis ng COVID-19.

Mistulang nakalimutan ni Puyat na kaya inilunsad ang “Build, Build, Build” infrastructure program ng Pangulong Duterte na pinagpatuloy pa rin  kahit sa gitna ng pandemya, ay dahil makalilikha ang imprastraktura ng maraming trabaho para sa mga displaced workers. Kasama na riyan ang mga nawalan ng trabaho sa tourism industry.
Bukas po ang inyong lingkod sa anumang sagot, tugon, reaksiyon at komento nina Sec. Puyat at Mr. Clemente.