“Walang init” ang ‘AKAP’ ng OWWA

August 10, 2020

BAGO ang lahat, bibigyan natin ng daan ang liham na natanggap natin noong Biyernes mula kay Ms. Annalyn Almadin, isang licensed customs broker.

Sa kanyang liham, nilinaw ni Ms. Almadin na “hindi siya” ang customs broker sa natimbog na P186.7 milyon na mga sigarilyo sa MICP noong Hulyo 25, 2020, na inilabas naman nating istorya noong Hulyo 27, 2020.

“Nais ko po sanang iparating ng mababang loob sa inyo na hindi po ako ang siyang customs broker nang naturang illegal shipment at wala po akong kinalamam sa kahit anumang nasabing kargamento.

“Sa pitong taon ko bilang broker, kahit minsan ay hindi ako naugnay sa kahit anumang illegal o marumi na transaksyon. Ito ay sa kadahilanang mahalaga sa akin ang reputasyon at malinis na pagkatao.

“Lubos ko na pinahahalagahan ang aking malinis na pangalan at kredibilidad, dahil sa pagiging broker ko po kinukuha ang ibinubuhay ko sa aking pamilya at anak dahil isa akong solo parent.

“Nais ko po sanang hilingin sa inyo ang pagtatama at maipahayag ang aking panig kaugnay sa nasabing artikulong inyong isinulat upang malinis at mawala ang bahid sa aking pangalan.

“Ako po ay umaasa na inyong didinggin ang aking buong pusong pag-apela dahil ito po ang tama at nararapat. Malaki ang aking tiwala sa mga mamamahayag na tulad ninyo dahil alam kong lagi kayong panig sa tama at katotohanan.”

‘Yan, mga kabayan, ang buod ng liham ni Ms. Almadin na inilabas naman natin dahil bahagi ito ng ating obligasyon bilang media.

Sa panig naman natin, ang impormasyon ay galing naman sa isang kaibigan at mataas na opisyal ng Aduana na wala tayong dahilan upang hindi siya paniwalaan.

Kung pareho naman kaming “napalundag” ng mga “ogags” sa kanyang tanggapan, ‘yun lang, ahahay!

***

Muli na naman nating narinig ang ipinagyayabang, ehek, ang sinasabi ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) hinggil sa ayuda ng ahensiya para sa ating mga OFWs.

Ang tinutukoy natin dito ay ang US$200 assistance sa mga kasapi ng OWWA sa ilalim ng ‘DOLE Akap Cash Assistance.’ Sinimulan itong ipinatupad noong Abril, sa kasagsagan ng ‘lockdown’ dahil sa COVID-19.

Sa ulat naman ng OWWA kay DOLE secretary Silvestre Bello III, noon lang Mayo, aabot sa may 86,000 mga OFWs ang nakaramdam ng “init ng yakap” nitong ‘AKAP’ na may paunang badyet na P1.5 bilyon, kaya, “mahusay” hindi ba, mga kabayan?

‘Yun nga lang, kung mga OFWs naman natin sa Cambodia—na karamihan ay may ‘legal status’ at pawang miyembro ng OWWA—ang tatanungin, kasamang Rolly Francia, eh, “tanong” din ang sagot nila: “Kailan ba nila mararamdaman man lang ang “init” nitong AKAP program, hehehe!

Sa natanggap kasi nating “hinaing” mula sa mga kababayan natin doon, hanggang pag-fill-up lang daw ng ‘application form’ ang naranasan nila noong Abril, huhuhu!

At ngayong Agosto na, eh, di… “nganga” pa rin sila, Mr. President, susmariosep naman, tsk!

Samantala, ang iba namang mga OFWs katulad sa hanay ng mga “OPAs” (overseas performing artists) at iba pa (titser, skilled workers, etc.) sa Vietnam, Singapore, Macau, UAE, Hongkong, nakatanggap naman.

Iniisip tuloy nila, Sen. Bong Go, kung ano raw kayang “mapa” ang ginagamit nitong OWWA at hindi yata nila alam na mayroong bansang ‘Cambodia’ kung saan marami rin tayong mga OFWs, hehehe!

Eh, harinawa naman, OWWA administrator Hans Leo Cacdac, ngayong may dagdag pondo ang programa, “ambunan” mo naman ang mga OFWs sa Cambodia, hane?

At ayaw rin kasi ni Pres. Rody na may “naiiwan” o “nakakalimutan” sa hanay ng mga OFWs kaya ikaw din, hehehe!

Abangan!