Water shortage

Masamang balita na naitala ang pinakamababang level ng tubig sa La Mesa EcoPark sa loob ng labindalawang (12) taon.

Sa level na 68.9 meters, kapos na ito ng 11.25 meters sa normal level nito na 80.15 meters.

Sabi nga ni Richard Orendain, PAGASA hydrologist, baka ma-break ang lowest level nito sa loob ng dalawang araw. 21 taon ang nakaraan, umabot sa pinakamababang level na 68.75 meters.

Dahil sa pagbaba ng level ng tubig, nakaranas ng water supply interruption ang mga residente ng Quezon City, Mandaluyong, San Juan, at Pasig.

Ang mas masamang balita rito, ang nararanasan nating tagtuyot ay hindi pa parte ng summer. Hindi pa kasi ito opisyal na idinedeklara ng PAGASA.

Kaya naman kaliwa’t kanan na ang panawagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water sa kanilang mga customer na maging responsible sa paggamit ng tubig.

Kaliwa’t kanan na rin ang pagrarasyon ng tubig, kasama na ang ilang fire trucks, sa mga komunidad na apektado ng water interruption.

Kasabihan na sa atin na hindi bale nang mawalan ng kuryente, huwag lang nang tubig.

Mas kaya nating matiis na hindi mapanood ang paborito nating mga teleserye kesa naman wala tayong tubig na panligo o pangluto.

Kaya habang ginagawan ng paraan ng mga water concessionaires ang pagsusupply ng tubig, dapat ay ibalik natin ang mga itinuro sa ating mga paraan sa pagtitipid ng tubig.

Ang pag-iimbak ng tubig sa mga drum o balde habang sinisigurong malinis ito para hindi pamahayan ng mga insekto. Ang paglilimita lang sa paggamit ng tubig kung magka-carwash o magdidilig ng halaman, at marami pang iba.

Pero gaya ng tanong ng isang commentator sa radio, dapat tanungin din ang mga namamahala sa mga dam kung ano ang mga paghahanda nila sa dry spell na ito.

Habang may oras pa ang Kongreso, sana ay tutukan na rin ang isinulat naming House Bill 4340 o ang Rainwater Harvesting Facility Act.

Sa ilalim ng panukalang ito, magiging requirement sa mga developers ng mga institutional, commercial, at residential projects o infrastructure na maglaan ng espasyo para sa rainwater harvesting facility.

Sa ganitong pamamaraan, mababawasan natin ang volume ng tubig na napupunta sa kalsada o mga drainage systems para hindi agad nagbabaha.

At magagamit pa natin sa mga non-potable na gamit ang  maiipong tubig para hindi laging nagagamit ang supply na galing sa ating mga dam.

Pagbalik ng mga mambabatas sa Kongreso sa Mayo, may halos tatlong linggong session pa para maipasa ito. Sana hindi na ganun kalala ang water shortage natin. At kahit sa Mayo lang ito maipasa, sana ay ma-implement agad ito sa taong ito para hindi na maulit pa ang problema sa tubig.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)