Water supply crisis resulta ng poor business management

SA pambihirang pagkakataon, nagpatawag si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Metro Manila Development Committee Chairman Winnie Castelo ng hearing para imbestigahan ang nararanasang water supply crisis ng maraming taga-Metro Manila.

Kung nagiging ugat pa ng biruan ang hindi pagligo, seryosong usapin ito para sa marami dahil ilang araw nang wala man lang tumutulo sa kanilang mga gripo. Hindi nga nakaligtas kahit ang mga magagarbong condominium sa Mandaluyong. Parang eksena lang sa isang pelikulang malagim, iniigib na ng mga unit owners ng isang condo ang tubig muli sa swimming pool nila.

Lumabas sa inisyal na hearing ng Kongreso na poor business management ang pinagmulan ng krisis na ito. Dalawa kasi ang concessionaires o iyong nagdidistribute ng tubig sa Metro Manila: Ang Maynilad at ang Manila Water.

Kung nainis tayo dati sa kaliwa’t kanang pagbubungkal ng Maynilad sa mga kalsada natin dahil sa kanilang ‘system ugrade’, ito pala ang nagsalba sa kanilang mga kustomers kasama na rito ang Malabon City. 

Ang perwisyong traffic at road closure dahil sa pagbubungkal na ito ng Maynilad ay paghahanda nila sa inaasahang pagtaas ng demand sa tubig. Simple lang ang equation nila: Patuloy na dumarami ang populasyon ng Metro Manila, patuloy na may itinatayong mga gusali, habang parehas lang ang pinagkukunan ng tubig, kaya dapat ay maglagay sila ng mga water containment facilities. 

Ito ang hindi nagawa ng Manila Water. Kahit na double effort ang Maynilad sa paggawa ng pagiimbakan ng tubig, hindi gumawa ng paraan ang Manila Water para sabayan ang dumaraming populasyon.

Hindi natin masisi ang El Niño sa shortage na ito. Dahil taun-taon ay dumarating ang tag-tuyot. Isabay mo pa ang magaling na forecasting ng PAGASA, malalaman natin kung anung mga buwan walang bubuhos na ulan.

Ang natuklasan pa namin sa inisyal na hearing ay walang malinaw na probisyon sa kontrata ng mga concessionaires para panagutin sila sa pagkukulang nila. Sinisi pa nga ng mga kinatawan nito ang Kongreso dahil hindi umano ipinasa ang batas na bubuo sa Department of Water.

Hindi natin kailangang gumawa ng bagong ahensya sa tuwing may ganitong sitwasyon. Kaya nga ibinigay sa private sector ang pagdistribute ng tubig dahil nais natin na malaya sa red tape ang serbisyong ito.

Sa pagtatapos ng hearing, sinabi ko sa Maynilad na patuloy na gawin ang kanilang makakaya para hindi mangyari sa Malabon ang naranasan ng ibang lugar. At kung magkukulang man ng supply ay agad na mag-abiso para makapaghanda ang mga tao.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)