ABS-CBN talents isa-isa nang nag-aalisan

August 24, 2020

HINDI na aabot hanggang katapusan ng Agosto ang pagtatapos ng employment ng libu-libong empleyado at talents ng ABS-CBN dahil holiday ang August 31, National Heroes Day.  Kaya karamihan sa mga ito ay hanggang August 28, araw ng Biyernes na lamang.  Habang ang mga talent (radio and TV anchors) ng iba’t ibang programa ng Kapamilya Network ay isa-isa na ring nagpaalam sa kanilang mga programa.

Maraming programa sa radio at telebisyon ang nawala at kasama na rito ang “Mission Impossible” ni Julius Babao, “Rated K” ni Korina Sanchez, “Red Alert” ni Jeff Canoy, “My Puhunan” ni Karen Davila, “ “Kuha Mo!” ni Anthony Taberna, “Bandila” nina “Julius Babao at Karen Davila,” “Umagang Kay Ganda” at iba pa.

Sa DZMM teleradyo ay tuluyan na ring nagpaalam ang “Dos por Dos” tandem nina Anthony Taberna at Gerry Baja maging ang “Garantisadong Balita” ni Gerry sa umaga. Wala na rin ang “Tandem: Lima at Logan” nina  Vic de Leon Lima at Marc Logan, ang “Red Alert” nina Jeffrey Canoy, Dr. Ted Esguerra at Prof. Mahar  Lagmay,” ang “Sagot Ko Yan” ni dating Sen. Joey Lina, “Mabeauty Po Naman” ni Cory Quirino, ang “Sakto” nina Amy Perez at Kim Atienza, ang “On The Spot News” nina Vic Lima at Toni Aquino, ang “Fastbreak” nina dating Sen. Freddie Webb at Boyet Sison,” “Magpayo Nga Kayo” nina May Valle-Ceniza at Joey Lina at iba pang programa.  Ang nakakalungkot lamang, ito ang mga programa ng ilang taong sinubaybayan ng mga manonood at mga listener.

Ang pagkawala ng maraming programa ng ABS-CBN both sa radio at telebisyon ay sanhi ng pagkawala ng free broadcast ng Kapamilya Network dahil sa pagkaka-deny ng kongreso ng kanilang  franchise renewal.   Ito rin ang dahilan ng pagsasara ng regional offices ng ABS-CBN sa buong bansa at pagkawala ng trabaho hindi lamang ng libu-libong empleyado kundi maging ng mga radio and TV anchors, TV hosts at marami sa kanilang talents.

Masaya kaya ngayon ang 11 kongresista na nagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN na masaksihan nila ang pagkawala ng mga makabuluhang programa ng major TV and radio network at pagkawala ng trabaho ng libu-libong empleyado at  talents sa gitna ng pandemya?

Nakakalungkot.