Adbokasiya ng Juan Movement Partylist ipinagmamalaki ni Arnell

April 26, 2019

MAGANDA  ang layunin ng grupong Juan Movement na sinusuportahan ng comedian/public servant na si Arnell Ignacio.

Ang adbokasiya nila, ipamulat sa mga Pilipino ang pagmamahal sa bansa.

"Alalahanin natin ang GMRC," ani Jun Llave na pangunahing nominee ng naturang party list. "Kapag nanonood ako ng sine, may dala akong flashlight. Kapag tinugtog na ang Lupang Hinirang at may hindi tumayo, talagang iniilawan ko. Napakaraming good Filipino values ang nakakalimutan na ng mga kabataan."

Ayon naman kay Mark Boado, na isang mahusay na propesor, dapat ibalik ang Filipino subject sa mga paaralan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit kulang sa pagkakaisa ang mga Filipino. "Ang Korea, iisa ang salita. Ang Japan, ganoon din. Ang itinuturo sa kanila sa mga unang taon ng pag-aaral, values formation. Kaya ganoon na lang ang pagiging makabayan nila."

Gusto naman ni Nico Valencia na isa rin sa nominees ng mas maraming pelikulang magmumulat sa mga Filipino kung ano ang mga bagay na puwede nating ipagmalaki. "Kapag gumagawa ng pelikula ang mga taga-ibang bansa, mula sa Hollywood hanggang sa mga Asian films, they make it a point na palaging nangingibabaw ang pagmamahal sa sariling bayan. O sa sariling pamilya."

Ani Arnell: "Maraming maliliit na bagay na hindi natin napapansin pero malaki ang maitutulong sa atin para umunlad at makilala bilang isang mahusay na mamamayan."

Marami pang gustong gawin ang JMP pero iisa lang ang pinatutungkulan: pagmamahal sa bayan.