Ai-Ai, kinalbo ang asawa

April 25, 2020

Dahil stuck sa bahay bunsod ng ipinatutupad na extended enchanced community quarantine sa Luzon, nagdesisyon ang Kapuso actress na si Ai-Ai de las Alas na gupitan ng buhok ng asawang si Gerald Sibayan.

At dahil idol ng komedyana ang Korean actor na si Park Seo Joon, plinano niyang gayahin ang haircut nito para sa asawa.

Aliw ang in-upload na video ni Ai-Ai sa Instagram habang ginugupitan si Gerald.

Pati ang kanyang followers ay tuwang-tuwa sa naging new look ng mister niya.

Humingi ng paumanhin si Ai-Ai kay Gerald dahil hindi niya nagaya ang iconic haircut ng idolo.

Aniya, “Hindi na achieve si PSJ kaya rocker nalang sya haha. Hahaha napalalim sorry darl hahaha @gerald_sibayan.”

Thankful at na-appreciate pa rin naman ni Gerald ang binigay na effort ni Ai-Ai.

Sa isa pang IG post, pinagkumpara ni Ai-Ai ang litrato nina Park at Gerald sabay sabing, “Eto talaga dapat yan e… pasok naman talaga haircut mo darl d ka lang masyado nag concentrate at ninamnam si PSJ labyu darl sorry nakalbo ko yung likod mo hehe @geraldsibayan.”

Kinabukasan, nagnakaw pa ang komedyana ng selfie sa nakapikit na asawa at ang caption niya ay, “Good morning may katabi ako mula sa THE LAST AIRBENDER.”

Samantala, habang lockdown, pinagkakaabalahan ni Ai-Ai ang pagbe-bake ng iba’t ibang pastries.

Patok sa fans ang kanyang ube pandesal na marami na ang umoorder at bumibili.

Katuwang niya ang pamilya sa pagbe-bake kaya naman nagpapasalamat siya na kahit papaano ay may extra kita siya kahit naka-quarantine.