Aiko gusto nang pakasalan ng mayor boyfriend

March 25, 2019
Aiko Melendez

DAHIL sa magkasunod na Best Supporting Actress awards na nakuha ng 43-year-old actress na si Aiko Melendez mula sa 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF) awards at sa 2019 Pasado Awards para sa mahusay niyang pagganap sa MMFF movie na “Rainbow’s Sunset,” nag-host si Aiko ng isang intimate thanksgiving dinner nung nakaraang Sabado ng gabi na ginanap sa Chateau 1771 ng One Bonifacio High Street Mall sa Bonifacio Global City (BGC) ng Taguig City kung saan kasama niya ang kanyang nobyo, ang incumbent Subic Mayor at vice-gubernatorial candidate ng Zambales na si Jay Khonghun, ang kanyang dalawang anak na sina Andrei at Marthena maging ang kanyang inang si Elsie Blardony at ilang kaibigan.

Masaya si Aiko sa dalawang magkasunod na bagong tropeo na kanyang natanggap at proud sa kanya at sa kanyang achievements  ang kanyang boyfriend na si Mayor Jay.

Hindi ikinakaila ni Aiko na may pinagdadaanan ngayon ang pamilya ni Mayor Jay dahil sa pagkakadawit ng pangalan ng mayor maging ang ama nitong kongresista na si Rep. Jefferson Khonghun, Sr. ng unang district ng Zambales sa listahan ng narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte bagay na pinabubulaanan ng mag-amang Khonghun at ng mga taong lubos na nakakakilala sa mag-ama at ng kanilang pamilya.

Lumabas lamang ang ganitong mga akusasyon laban sa mag-amang Khonghun kamakailan lamang kung kelan nalalapit na ang mid-term elections ngayong May 13.  Ang ama ni Mayor Jay ay reelectionist sa pagka-congressman sa 1st District ng Zambales habang si Mayor Jay ay kandidato sa pagka-vice-governor ng Zambales.

Naniniwala si Mayor Jay na ito’y taktika ng kanilang mga kalaban sa pulitika pero buo ang kanyang loob  na lalabas din ang katotohanan at  malilinis din ang pangalan nila ng kanyang ama.

Samantala, nag-beg off muna si Aiko sa bagong ginawang TV series ng Dreamscape Entertainment na pinamumunuan ni Deo Endrinal, ang “SanDugo” kung saan sina Ejay Falcon at Aljur Abrenica ang mga pangunahing bida  kung saan din tampok si Elisse Joson.   Kasama rin sa nasabing serye sina Cherry Pie Picache, Ariel Rivera, Cogie Domingo, Jeric Raval, Ogie Diaz, Arlene Muhlach at ilang mga baguhan mula sa sa  PBB: Otso.  Ang role na dapat gagampanan ni Aiko ay napunta kay Vina Morales.  Ayon kay Aiko, masaya siya na si Vina ang gaganap sa role na dapat sana’y para sa kanya dahil bukod sa mahusay na aktres si Vina, kaibigan umano niya ito.

Humingi si Aiko ng 45 days leave of absence sa kanyang manager, ang King of Talk na si Boy Abunda at nagpaalam din umano siya kina Deo at Eric Salud ng Dreamscape Entertainment dahil gusto niyang tulungan at suportahan ang kandidatura ng kanyang boyfriend na si Mayor Jay sa pagtakbo nito bilang vice-gobernor ng Zambales lalupa’t meron itong pinagdadaanan ngayon.  Sa darating na March 29 ay simula na ng kampanya para sa local positions kaya magiging abala umano siya pero pagkatapos lamang ng election ay balik agad si Aiko sa kanyang mga showbiz commitments.

Samantala, inamin ni Mayor Jay na kapag maayos na ang lahat, balak niyang pakasalan ang kanyang nobyang si Aiko hopefully, sa susunod na taon.  Wala pa mang relasyon sina Aiko at Mayor Jay ay matagal nang hiwalay ang mayor sa kanyang dating misis na si Eloisa Lopez Recella.