Alessandra ginanahan sa paggawa ng pelikula

July 29, 2020
John Regala

AYON kay Alessandra de Rossi, matagal na umanong nasa isip niya ang kuwento ng  “Through Night and Day” na gusto niyang siya ang magsulat, magbida, magdirek at mag-produce.  Pero sa tulong ng isang kaibigan niyang writer, ikinuwento ni Alex ang konsepto at kuwento. At nang mabuo ang script ay nagulat umano siya sa kinalabasan nito.  Siya rin mismo ang nag-suggest na kailangang iba na ang magdirek nito.  She approached Boss Vic del Rosario ng Viva Films and eventually ay pumasok din ang OctoArts Films ni Boss Orly Ilacad.  Sa tulong ng Viva at OctoArts ay naisakatuparan ang pagsasapelikula nito kung saan co-producers din sina Alex at Paolo Contis.

Inamin din ni Alex na hindi umano si Paolo ang original choice to play the role kundi ang actor-comedian na si Empoy Marquez na leading niya sa surprise hit movie na “Kita Kita” in 2017.

Nalungkot man sina Alex at Paolo sa kinalabasan ng “Through Night and  Day”  sa mga sinehan in July 2018 na hindi sinuportahan ng mga manonood, natuwa siya nang maging surprise hit sa Netflix.

Naniniwala pareho sina Alex at Paolo na hindi formula movie ang pelikula at hindi rin sila boxoffice stars.  Ang nagdala sa pelikula ay ang istorya, ang acting at ang pagkakadirek ni Veronica Velasco.  Ito rin umano ang dahilan kung bakit nag-click ang “Kita Kita” nila ni Empoy na hindi rin formula movie.

Dahil sa tagumpay ng “Through Night and Day” sa Netflix, mas ginanahan si Alex na magsulat ng iba pang material na siya rin mismo ang lead actress, director at co-producer tulad nga “Fuffy and Fream” na pinagtatambalan nila ni Piolo Pascual.