
Ang dahilan kung bakit natalo si Marcelito sa AGT

THIRD placer si Marcelito Pomoy sa grand finals ng America’s Got Talent: The Champions na naganap kahapon sa Amerika (Tuesday morning, Philippine time) at gaya nang dati, hindi matanggap ng mga Pilipino ang pagkatalo niya dahil sa kanilang paniniwala na siya ang karapat-dapat na magwagi.
Pre-recorded ang napanood na grand finals night ng America’s Got Talent dahil naririto na sa Pilipinas si Marcelito na special performer sa 57th birthday celebration ni former Senator Jinggoy Estrada na ginanap noong Lunes, February 17 sa roofdeck ng Emar Suites sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Bago kumanta si Marcelito, inimbitahan niya ang mga bisita ni Jinggoy na panoorin ang grand finals ng US contest na kanyang sinalihan.
Nagsalita si Marcelito na manalo o matalo, masaya siya dahil natupad ang kanyang pangarap na maging contestant ng America’s Got Talent.
Nang marinig namin ang sinabi ni Marcelito, nagkaroon kami ng malakas na duda na natalo siya dahil sa kanyang makahulugang pahiwatig.
Hindi man siya pinalad na manalo, wagi pa rin si Marcelito dahil dumami ang mga imbitasyon sa kanya na mag-perform tulad sa birthday celebration ni Jinggoy at guestings sa television shows.
“Star na star” si Marcelito dahil pinagkaguluhan siya ng mga bisita na saludo sa kanyang kakayahan na umawit, gamit ang tenor at soprano singing voice.
All eyes and ears kay Marcelito ang lahat ng mga bisita, kabilang si former President Joseph Estrada na manghang-mangha sa mabilis na pagpapalit ng boses ng singer na nagkaroon ng bagong sigla ang singing career dahil sa pagsali sa America’s Got Talent.