Ang tunay na agimat ni Ramon Revilla, Sr.

March 13, 2019
Ramon Revilla Sr.
Ramon Revilla Sr.

GRAND reunion lagi ang nagaganap sa mansion ng mga Revilla sa Cavite tuwing sasapit ang karawan na itinuturing hanggang ngayon na nag-iisang “Agimat King” na si Ramon Revilla Sr.

Pero, naiba ang nasaksihan namin noong Biyernes sa 92nd birthday nito dahil dumagsa ang mga dating trabahador niya sa Imus Productions noon na ang karamihan ay matagumpay na sa kani-kanilang larangan sa pulitika, negosyo, at iba pa.

Nagpapasalamat sila sa tulong at guidance ni Ramon Sr. para maabot ang kinalalagyan nila ngayon. Lumapit din kami sa kanya para bumati at pabirong nagpakilalang muli kahit taun-taon kaming naroroon. Kinamusta niya sa amin si Fred (Moro, my ex-husband) na isa sa mga naging fight instructor/directors niya noon. “I will never forget him (Fred). He saved my life,” aniya. Sa tinagal-tagal ng panahon ay hindi pa rin nalilimutan ni Sr. ang isang pangyayaring naganap sa shooting nila ng isang pelikula kung saan siya nakabitin nang patiwarik at may apoy sa ilalim. Hindi inaasahang nag-iba ang ihip ng hangin nang kukunan na ang eksena. Tiyak na masusunog ang ulo at buhok ni Sr. kung hindi naging maagap si Fred at naitulak si Sr. palayo sa apoy.

Dahil doon, isang sulat ang ipinadala ni Sr. kay Fred bilang pasasalamat for saving his life. Inilagay pa namin iyon ni Fred sa isang frame at idinisplay sa sala. Sayang at noong bagyong Ondoy, nakasama iyon sa mga naanod ng baha. Kahit si Manay Ethel (Ramos, our sister) na nakarinig ng kuwento ay humanga kay Sr., gayundin sa pagiging very retentive ng kanyang memory despite his age. Halos lahat kasi ng bumabati sa kanya ay tinatawag pa niya sa pangalan nito. Karamihan sa amin ay humanga sa taglay pa rin niyang tikas ng katawan ganun din sa likas niyang kaguwapuhang Pinoy na Pinoy na isa sa naging puhunan niya sa pagsikat at pagiging action superstar.

Marami rin ang naniniwalang sadyang may agimat si Sr. dahil sa ilang beses na nagkaroon siya ng bypass operation, lagi siyang  nakaliligtas. Pero, madalas ding sabihin ng anak niyang si Andeng (Andrea Bautista-Ynares) na ang agimat ng kanyang Daddy ay ang matinding pananalig sa ating Panginoon at matibay na dasal na panatilihin siyang malakas at malusog habang kailangan pa siya ng kanyang mga anak.