Angel, nagpasalamat sa tulong ni Sharon

April 04, 2020
Angel Locsin & Sharon Cuneta

PINOST ang photo at pinuri ni Sharon Cuneta ang pagiging philanthropist ni Angel Locsin sa kanyang Instagram (IG) account.

Ang dami kasing nagawa at ginagawa pang tulong ni Angel sa tulong ng fiance niyang si Neil Arce sa mga hospital, frontliner at lahat ng nangangailangan ng tulong sa panahon ng COVID-19.

Ang pinuri ni Sharon ay ang pagse-set-up ni Angel ng tents sa compound ng mga hospital para mabawasan ang overcrowding sa loob.

Post ni Sharon: “Mabuhay ka, Angel Locsin sa pagpapatayo mo ng tents para sa ating mga bayaning frontliners na kailangan pa nating lahat na pasalamatan ng 1 million times more than we’ve been thanking them!

“Taas-noo at lubos na respeto lang ang meron kami para sa inyong lahat -- ating nurses, nursing assistants, beloved doctors and all medical workers plus lahat ng testers na sinusugal ang buhay ninyo araw-araw para sa mga PUI at mga may sakit na COVID-19!!! Taos pusong pasasalamat sa inyo. Di namin kayo nakakalimutan at makakalimutan habangbuhay! At salamat kay Ms. ANGEL LOCSIN na kahit ano pa ang tumatamang disasters sa bansa natin ay laging nakahandang tumulong! Love you, Sweetie. May God bless you more. Keep safe! @therealangellocsin.”

Sumagot si Angel at sabi, “Thank you ate and thank you for reaching out to help.”

To date at sa pag-a-update ni Angel, 22 hospital tents na ang kanilang naipatayo sa kanilang #UniTentweStandPH campaign.

“Sa ngayon, may eleven hospitals, total 22 hospital tents na po tayong naipapatayo nang dahil sa donasyon at malasakit po ninyo. 38 more hospitals to go (as of April 1). Muli, maraming maraming salamat po!” pasasalamat ni Angel.

Bukod sa tents, nakapag-donate rin sina Angel ng sanitation tent with misting machine and UV light para sa frontliners ng PGH.

May mga nag-comment sa IG ni Sharon na mabuti pa si Angel kumikilos para makatulong.

Tanong ng obvious na basher ni Sharon, nasaan ang asawa niya (si Sen. Kiko Pangilinan)? Wala raw ma-post na pagtulong si Sen. Kiko dahil hindi tumutulong.

Sinagot ni Sharon ang basher ng, “Matanong ko lang po, may naitulong po kayo kahit isang mask o alcohol bottle lang?” at ayaw paawat si basher.

Kahit sinabi ni Sharon na tumutulong si Sen. Kiko nang walang press release, hinahanapan pa rin ng basher.

Hindi na pinatulan ni Sharon ang pag-iingay ng basher at ng iba pang basher niya at ni Sen. Kiko. Kasi naman, may ibang tao na tumutulong na ayaw na lang ipaalam, kaya walang post at dapat intindihin natin ’yun.