Anita, pumanaw sa edad na 95

SUMAKABILANG-BUHAY na kahapon ng umaga sanhi ng heart failure ang tinaguriang “Oldest Active Actress” ng Philippine cinema na si Anita Linda sa edad na 95.

Ang mismong direktor, Adolf Alix Jr., ng huling pelikulang ginawa niya last year, Circa, ang nagkumpirma ng malungkot na balita.

Sa isang Instagram post, sinabi ni Direk Adolf na, “This is a very sad day for me. I am trembling as I am gathering my thoughts... The great Anita Linda has passed away this morning at 6:15AM. Prayers for her soul.

“My condolences to her family and her children, Francesca Legaspi and Fred Osburn.”

Mahigit pitong dekada ang itinagal ang career ni Anita (real name: Alice Buenaflor Lake) bilang artista.

Una siyang napanood sa pelikulang Tiya Juan ng LVN Pictures taong 1943 at nabigyan ng pagkakataong magbida sa Sisa, kung saan nag-uwi siya ng kauna-unahang best actress award mula sa Maria Clara (FAMAS sa kasakuluyang panahon).

Multi-awarded ang yumaong screen veteran hindi lamang sa ’Pinas kundi maging sa ibang bansa.

Ang ilan pa sa kanyang mga naging pelikula ay ang Anghel Sa Lupa, Tatlo, Dalawa, Isa, Babae Sa Bubungang Lata, Takaw Tukso, Sta Niña, Adela at Lola.

Tinanghal siya bilang isa sa Icons ng Philippine cinema sa 3rd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd)  at pinarangalan sa Dunong ng Isang Ina event ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa selebrasyon ng sentenaryo ng pelikulang Pilipino nu’ng nakaraang taon.

Iki-cremate ang mga labi ni Anita ngayong hapon sa Manila Memorial Park, Sucat, Parañaque City.

Nakikiramay ang People’s Tonight sa mga naulila ni Anita.