Arnell at Alex nagsanib-puwersa

March 22, 2019

NANINDIGAN sina Arnell Ignacio at Alex Gonzaga sa kanilang paniniwala na hindi sila nagkamali sa pagpili sa Juan Movement partylist na kanilang susuportahan sa darating na eleksyon sa Mayo.

Kapwa miyembro ang dalawa ng Juan Movement noon pa man dahil sa makatotohanang mga advocacies na nakatuon sa pagiging tunay na Pilipino at pagmamahal sa bayan.

Mahalaga kay Alex ang pamilya at nakita niya ito na pangunahing ipinaglalaban ng nasabing partylist. Kung bawat Pilipino nga naman ang matutong mahalin ang ating kultura at ibalik ang mga nakaligtaang mga kagawian sa halip na yakapin ang makabagong dayuhang kultura, malaking pagbabago ang magaganap hindi lamang sa bayan kundi pati na rin sa ating mga sarili.

Ayon naman kay Arnell, nakita at naramdaman niya na seryoso ang Juan Movement na tiyakin ang pagbabago na walang halong kulay at pulitika. Wala na sa government service ang host-comedian pero inamin nya nanamulat ang kanyang mga mata sa napakaraming kakulangan ng mga Pilipino sa pagmamahal sa bayan.

Busy ang dalawa sa kanilang mga showbiz career pero hindi sila nawawalan ng panahon na ipaalam sa kanilang masugid na followers at mga kaibigan ang kahalagahan ng tamang pagpili pagdating ng May elections.