Arnell may bagong pinagkaka-abalahan

March 30, 2019
Arnell Ignacio

ABALANG-abala ngayon ang host/comedian na si Arnell Ignacio sa kanyang showbiz commitments matapos niyang mag-resign bilang deputy administrator ng OWWA.

Pero sa gitna ng kaliwa’t kanang guestings ay nasisingit pa rin niya ang pangangampanya para sa Juan Movement partylist kung saan siya member.

Naniniwala si Arnelli na swak na swak ang mga adhikain ng nasabing partylist para sa tunay na pagbabago ng mga Pilipino. Kailangan umano ng “boses” sa Kongreso para may bumalangkas at magpalakas sa mga batas na magsusulong sa tunay na pagmamahal sa bayan at magtataguyod sa ating kultura at tradisyong Pilipino.  Binibigyang-diin kasi ng partylist ang “love of country” at “sipag” na susi para umunlad ang bansa.

Matalik na kaibigan ni Arnelli sina Jun Llave, Nico Valencia at Mark Boado na nominees ng Juan Movement partylist. Pawang mga professional entrepreneur, youth and civic leader at educator ang tatlo. Naniniwala sila na kailangang buhayin ng bansa ang mga nakaligtaang industriya na tatak Pilipino tulad ng paghahabi. Ito ay upang maengganyo ang ating mga kababayan na tangkilikin ang sariling atin sa halip na mga gawang dayuhan.

Kaya naman pambato ni Arnelli sina Jun, Nico at Mark para sa Juan Movement partylist, at alam ng comedian-public servant na hindi masasayang ang pagi-endorsong ito.