Ate Vi tumigil sa kampanya para sa ina, gagawa pa ng pelikula

April 06, 2019
Vilma Santos

MAGKAKASAMA kami nina Ricky Lo, Ronald Constantino at Ed de leon na nagtungo ng Loyola Memorial Chapel in Sucat, Paranaque sa first day wake ng mama ng Star for All Seasons at kinatawan ng lone district ng Lipa na si Vilma Santos na si Gng. Milagros Tuazon-Santos last Wednesday afternoon.

Inabutan namin doon ang mag-asawang Sen. Ralph Recto at Cong. Vi na abala sa pakikipag-usap sa ilang local officials  at barangay heads ng Lipa na dumayo sa Premiere Chapel ng Loyola Memorial para magbigay-pugay sa yumaong ina ni Cong. Vi..

Pansamantala munang tumigil si Cong. Vi sa pangangampanya para sa kanyang ikalawang term as congresswoman ng Lipa dahil gusto niya munang ituon ang kanyang attention sa namayapang ina na lumisan nung nakaraang Lunes ng umaga, April 1 matapos ang isang buwang pamamalagi sa ICU ng Mary Mediatrix Medical Center ng Lipa City.  Mama Milagros was 93.

Ayon kay Vi, nangampanya pa umano siya last Sunday not knowing na kinabukasan ng umaga  ay tuluyan na silang iiwan ng kanyang mama na sampung taon din nagkaroon ng Alzheimer’s.

Nung nabubuhay pa umano si Mama Milagros, nanay o ate ang tawag nito sa kanyang panganay na anak na si Emelyn Santos.

Naging abala rin ang magkakapatid na Emelyn, Vi at Sonny sa pagi-istima sa mga nakiramay ganundin ang mister ni Vi na si Sen. Ralph Recto at anak nilang si Ryan Christian.   Maya-maya lamang ay dumating na ang magkasintahang Luis Manzano at Jessy Mendiola.  Kinagabihan last Wednesday ay dumating naman galing Amerika ang dalawa pang nakababatang kapatid nina Emelyn, Vi at Sonny na sina Maritess at Winnie para sa wake at inurment ng kanilang namayapang ina.

Mama Milagros was cremated last Monday pero ang kanyang wake ay nagsimula lamang last Wednesday, April 3 na tumagal hanggang kahapon,Friday, April 5 with a daily mass at 7 p.m.  Ang inurment ay magaganap ngayong umaga ng Sabado, April 6.  Ang mga abo ni Mama Milagros ay nakatakdang ilagak sa columnbarium ng St. James the Great Parish in Alabang, Muntinlupa, Rizal.

Sinabi ni Vi na i-exhume ang mga buto ng kanilang namayapang amang si Amado Santos sa Loyola Memorial Park – Sucat, Paranaque at isasama na rin nila ito sa kanilang ina.  Ang papa ni Vi ay sumakabilang-buhay nung November 6, 1986, three days after her birthday.

Samantala, ang mag-bayaw na sina Sen. Ralph Recto at Sonny Santos ang nag-asikaso ng lahat ng arrangement kay Mama Milagros mula sa hospital, wake at maging sa inurnment nito para maibsan ang pagdadalamhati at alalahanin ni Vi.

Still on Vi, since maaga kami dumating sa wake ay matagal namin itong naka-kuwentuhan.

Tiyak na matutuwa ang kanyang mga fans na baka gumawa umano siya ng isang movie this year at namimili na umano siya ng material na kanyang gagawin na ipinadala sa kanya. Si Vi ay huling napanood sa hit movie na“Everything About Her” na pinagsamahan nila nina Angel Locsin at Xian Lim na dinerek ni Joyce Bernal under Star Cinema at ipinalabas in January 2016.

“Nakaka-miss na rin,” pakli nito.

Kahit 21 years na siya sa public service (9 years as mayor ng Lipa, 9 years as governor ng Batangas and one term as representative of Lipa, Batangas), hanggang ngayon ay hindi pa rin lubos maisip ni Vi na papasukin niya ang larangang ito na naging posible lamang dahil na rin sa kanyang politician husband na si Sen. Ralph Recto, her public service mentor and campaign manager.

“Siguro, if it was not for him (Ralph), baka showbiz pa rin ang pinagkakaabalahan ko hanggang ngayon,” pahayag ni Vi.

Hindi rin ikinakaila ni Vi na tatlong beses pala siyang inalok na tumakbo sa pagka-bise presidente (ng iba’t ibang partido) which she politely declined.

“I am so honored that they considered me for the position pero ayokong pasukin ang isang napakalaking responsibilidad na hindi ko kayang gampanan nang buong-buo dahil mananatiling priority sa akin ang aking pamilya.  Paano kung magkasakit ang anak ko at may mahalaga ring misyon na kailangan kong harapin para sa bayan, siyempre hindi ko iiwan ang anak ko,” dugtong pa ni Vi.

“Malaki ang scope of responsibility ng national level kaya mas kumportable ako sa local position at mas malapit ako sa tao,” aniya.