Bagong kanta, handog ni Kim

April 17, 2020
Kim Chiu

SA patuloy na pagharap ng mundo sa coronavirus pandemic, handog ni Kim Chiu ang bago niyang kanta na “’Wag Kang Bumitaw” mula sa Star POP para sa mga pinanghihinaan ng loob.

“Months ago pa namin ginawa itong kanta pero parang nag-alangan ako na i-release siya,” sabi ni Kim.

Aniya, isang text message noong Biyernes Santo mula sa kaibigan niya na nagsabing malapit na siyang “bumitaw” ang nagpaalala sa kanya sa awitin.

“Sinabi ko sa sarili ko, ‘Parang meron akong kanta na tungkol sa hindi pagsuko.’ Pinakinggan ko ulit ‘yung kanta tapos tinawagan ko ‘yung producer ko si Rox Santos, tapos sinabi ko na ito na ‘yung tamang panahon para i-release 'yung kanta,” dagdag niya.

Malayo sa mga tipikal na kantang inilalabas ni Kim ang “’Wag Kang Bumitaw,” na tungkol sa pagkapit at paniniwala sa plano ng Panginoon sa harap ng maraming pagsubok na kinakaharap sa buhay.

Isinulat ito ni Jun Lirios at nilapatan ng musika ni Leah Negapatan.

Iprinodyus naman ito ng head ng Star POP na si Rox Santos at in-arrange ni Michael “Cursebox” Negapatan.

Sasabay din sa nalalapit birthday ni Kim sa Linggo (April 19) ang release ng kanta.

“Sana ma-inspire 'yung mga tao sa kanta na ‘wag sumuko kahit sobrang hirap ng panahon ngayon. Mahirap ‘to pero ‘pag kasama mo ang Panginoon, matatapos din ang lahat ng ito. Manalig lang at “’Wag Kang Bumitaw,” paalala ni Kim.

Mapapakinggan ang nasabing awitin sa iba’t ibang digital streaming platforms sa Linggo (April 19).