Blockbuster ABS-CBN movies iere sa China cable TV

April 22, 2020

Labing-anim na pelikula ng ABS-CBN ang maghahatid ng saya sa manonood na Chinese sa pag-ere nito sa Phoenix Movie Channel ng China.

Maaalalang pumirma ang ABS-CBN at Phoenix Satellite Television noong 2019 para iere ang patok na mga pelikulang Pinoy.

Nauna nang ipalabas ang “Four Sisters And A Wedding” noong Disyembre 2019, na sinundan naman ng “Barcelona: A Love Untold” at “Love You To The Stars And Back” nu’ng Marso.

Ngayong Mayo, matutunghayan sa China ang “The Achy Breaky Hearts” at “Dear Other Self.”

Pag-ibig din ang mamamayani sa buwan ng Hunyo dahil nakatakda ring mapanood sa China ang mga pelikulang “My Perfect You” nina Gerald at Pia Wurtzbach, at “Can’t Help Falling In Love” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Palabas din ang “My Exes and Whys” nina Liza Soberano at Enrique Gil at ang “Always Be My Maybe” at “Can We Still Be Friends” nina Arci Muñoz at Gerald.

Mapapanoood din sina Maja Slavador at Zanjoe Marudo sa pelikulang “To Love Some Buddy.”

Sa Hulyo, matutunghayan ang award-winning movies, kasama ang “Everything About Her” na pinagbidahan nina Vilma Santos, Angel Locsin at Xian Lim.

Sa buwan ding ito mapapanood nila ang “You’re My Boss” nina Coco Martin at Toni Gonzaga, ang “Hihintayin Kita Sa Langit” (na pinamagatan na “I Will Wait for You In Heaven” sa international release), nina Richard Gomez at Dawn Zulueta at “Kasal” nina Bea Alonzo, Derek Ramsay at Paolo Avelino.

Sa Nobyembre, mapapanood ang “Siargao” nina Jericho Rosales, Erich Gonzales at Jasmine Curtis-Smith.