Chanda emosyonal na nagpapasalamat sa mga kasamahan

August 15, 2020
Chanda Romero

MASAYA ang seasoned actress na si Chanda Romero na makatrabahong muli sa pinagbibidahang GMA series na ‘Prima Donnas’ ang ilan sa kanyang kaibigan sa industriya na matagal na niyang hindi nakakasama. 

Aniya, “I was so happy to see and to be able to work with the people na matagal ko nang di nakatrabaho.”

Pagku-kuwento ng aktres, nakatrabaho na niya noon sa isang serye si Wendell Ramos; si Aiko Melendez naman ay sa isang pelikula noong mid 90s; si Benjie Paras ay sa GMA series na ‘The Last Prince’ noong 2010; si Elijah Alejo sa ‘My Husband’s Lover’; habang si Jillian Ward ay sa teleserye ni Dingdong Dantes na ‘Pari ‘Koy’ noong 2015.

Pero isa raw sa pinaka-pinasasalamatan ni Chanda ay ang muling makatrabaho ang batikang direktor at mabuting kaibigan na si Gina Alajar na minsan na niyang nakatrabaho sa ‘The Half Sisters’.

“Just like any first taping day, medyo kabado ako. Nangangapa. But when I got to the set, kinausap kaagad ako ni Direk Gina about my role. Pinakilala niya sa akin si Lady Prima as it was written. Ang Lady Prima na gusto niyang makita, marinig at maramdaman.

Most of my kaba, uncertainty at anxiety, nawala na agad because being a great actress that Gina is, she knows how to get into another actress' head and heart. Most of all, she gives respect where respect is due,” pagbabahagi ni Chanda.

Ang much-awaited comeback sa telebisyon ng ‘Prima Donnas’ ay mapapanood ngayong Lunes (August 17), 3:25PM, sa GMA Network.