Coco gustong maging pribado ang buhay

April 23, 2019
Coco Martin
Coco Martin

MAHABA pero maikli lamang ang ibig sabihin ng actor na si Coco Martin sa kanyang Instagram post noong nakaraang Easter Sunday. Nalathala na rin naman sa mga diyaryo at napanood sa mga TV news program ang pagiging relihiyoso niya (at pagiging deboto ng Poong Nazareno sa Quiapo) kaya malamang na isa rin itong paghingi ng paumanhin at dasal na itinaon niya sa araw ng Pagkabuhay ng Panginoon.

Ayon sa unedited na pahayag ni Coco sa Instagram:

"Sabi ng Lola ko nung bata pa ako mag sumikap ka sa buhay para matupad mo lahat ng mga pangarap mo at makatulong ka sa pamilya mo at pagkatapos tumulong ka sa iyong kapwa. mahirap lang ang buhay namin simple pero mapayapa. hindi kami ng aapi at ng aagrabyado ng tao at lalo hindi po kami nakikielam ng buhay ng ibang tao. Sabi sakin ng Lola ko ang mga tao mahilig pag usapan ang buhay ng ibang tao ay ang mga taong walang magawa sa buhay nila kaya kaysa ayusin nila ang buhay nila at alagaan ang kanilang mga anak ang kanilang mga magulang mag sumikap sa kanilang trabaho at mag aral ng mabuti mas inilalaan nila ang oras at panahon nila para pag usapan ang buhay ng ibang tao para manira! Ang hindi ko pagkibo at hindi pagpatol sa mga bagay na hindi kauunlad ng ating bayan ay hindi kabaklaan may kanya kanya tayong buhay at tayo ang may dedesisyon kung pano natin patatakbuhin ito at sa aking palagay wala akong nagawang masama sayo kung sino kaman hindi ko kailangan ang mga masasakit na opinion mo! Nagtatrabaho lang ako at may meron din akong pribadong buhay wag nman sana ang buhay ko ang pagkwentuhan nyo dahil hindi interesado ang buhay ko. Mas maganda siguro humanap tayo ng ibang kapakipaki nabang na paguusapan para sa ating lipunan para may maiambag nman tayo sa ating bayan! Salamat sa pagbigay mo ng panahon para pagusapan ang buhay ko. Ang trabaho ko ay umarte at bigyan ng buhay ang mga character na ginagampanan ko. tahimik po ako na nagtatrabaho at namumuhay kaya mas makakabuti siguro ang buhay mo nalang ang ikwento mo sigurado ako mas intersante ang buhay mo! Sana lang bago ka mawala sa mundo alam mo sasarili mo na may naibahagi kang kabutihan sa iyong kapwa hindi puro paninira! Pasensya kana ang desisyon ko ay panatiliin tahimik ang buhay ko at sana naiintindihan mo!!! God bless."

May pinatutungkulan siyang tao (o mga tao) na sa palagay niya ay naninira sa kanya. Gayunman, isa siyang public figure at natural lamang na pag-usapan. Nasa itaas kaya binabato. Bahagi 'yan ng pagiging isang SIKAT na artista. Kung walang bunga, walang babato at magtatangkang pabagsakin. Kaya hindi ito nakapagtataka. Kung may itinatago, pilit na gustong malaman ng publiko. Ng mga taong tumatangkilik sa kanya. Ng mga taong naging dahilan kung bakit siya nasa itaas. Sabi nga, be careful what you wish for. Gusto ni Coco na maging pribado ang kanyang buhay. Baka isang araw, ibigay nga ito sa kanya ng mga humahanga sa kanya ngayon na wala naman dati noon.