Dahlia ang pangalan ng anak ni Anne

March 07, 2020
Anne Curtis
Anne Curtis

MAY mga haka-haka na Dahlia ang ipinangalan ni Anne Curtis sa panganay na anak nila ni Erwan Heussaff dahil sa karakter na  kanyang ginampanan  sa Magic Kingdom, ang first ever movie niya sa Viva Films.

Princess Dahlia ang pangalan ni Anne sa 1997 movie ng Viva Films at 12 years old siya nang gawin niya ang nabanggit na pelikula.

Alam ng lahat na mahal na mahal ni Anne ang kanyang propesyon bilang artista kaya hindi nakapagtataka na nagbigay-pugay siya sa pangalan ng unang karakter na binigyang-buhay niya sa silver screen.

Isinilang ni Anne si Dahlia noong March 2 sa Melbourne, Australia at mabilis na kumalat sa Pilipinas ang balita.

Ang lawyer na si Atty. Ferdinand Topacio ang isa sa mga unang nakaalam tungkol sa pagsisilang ni Anne dahil nagkataon na may meeting sila ni Nico Bolzico noong March 2.

Nabanggit ni Nico kay Atty.Topacio na nanganak na si Anne at naikuwento ito ng abogado sa kanyang mga kaibigan na entertainment writers.

Credible source si Nico dahil bayaw siya ni Erwan, ang kapatid ni Solenn na asawa niya.

Si Nico ang napagbibintangan na nagkalat ng balita tungkol sa pagsisilang ni Anne dahil may pahaging si Erwan sa Instagram post nito noong Biyernes, March 6.

“Her name is Dahlia Amelie, in case some reporter decides to 'break the news' again,” ang Instagram post ni Erwan na sinagot ni Nico ng “ For the record, I didn’t leak anything.”

Ang totoo, walang kamalay-malay si Nico na hindi sinasadya na siya talaga ang nag-leak ng balita nang sabihin niya  kay Atty. Topacio na nanganak na si Anne.