Dating close-in security ni Sarah nakipag-areglo na

March 03, 2020
Matteo Guidicelli
Matteo Guidicelli

NAGING tulay si Raffy Tulfo sa planong pagharapin sina Matteo Guidicelli at dating close-in security ni Sarah Geronimo na si Jerry Tamara na nagreklamo na diumano, sinuntok siya ng aktor sa reception ng Christian wedding ng bagong kasal sa isang restaurant sa Bonifacio Global City noong February 20, 2020.

Unfortunately, hindi natuloy ang pagtatagpo nina Tamara at Matteo dahil may commitment ito kaya hindi  nakarating sa meeting na naganap sa Viva office noong February 26.

Inilabas ng staff ni Tulfo sa kanilang Youtube channel ang video ng pagpunta ni Tamara sa Viva office, ang  pag-uusap nila ni Boss Vic Del Rosario, Jr., ang founder at CEO ng Viva Entertainment Inc., ang paghingi niya ng  P1.5 million para sa damages at para hindi na niya ituloy ang balak na pagdedemanda.

Tumawad ng P100,000 si Boss Vic pero tumanggi si Tamara dahil sinabi nito kay Tulfo na kailangan niya na panibagong simula kaya P1.5 million ang kanyang hinihingi.

Humingi pa ng payo si Tamara kay Tulfo sa kanyang nararapat na gawin pero ipinaalaala sa kanya ng popular public service broadcaster na hindi nagpapagamit ang programa nito sa aregluhan sa pera.

Nang marinig ni Tamara ang pahayag ni Tulfo, nagsalita siya na mag-iisip muna dahil mas gugustuhin niya na walang kapalit na pera (na isang malaking char!) basta humarap lamang sa kanya sina Sarah at Matteo.

Nagbigay rin  ng suggestion si Tamara na kailangang kamayan o makipag-handshake si Matteo sa kanya  bilang paghingi ng tawad at dapat na mangyari ito sa TV5 studio na imposibleng matupad dahil may kontrata ang aktor sa ABS-CBN kaya hindi siya puwedeng mapanood sa ibang television network para lang makipag-areglo.

Pagkalipas ng dalawang araw matapos ang naganap na meeting sa Viva office, umiwas na si Tamara na sagutin ang mga phone call ng staff ni Tulfo na nais na kumustahin ang kalagayan niya.

Nang tumawag ang staff ni Tulfo sa opisina ng Viva para magtanong kung matutuloy pa ang paghaharap nina Tamara at Matteo, nalaman nila mula sa Viva executive na si Jay Montelibano na tumanggap na ng P200,000 ang bodyguard bilang areglo.

Kinabukasan, February 29, nakatanggap si Tulfo ng text message mula kay Tamara na nagpapasalamat sa lahat ng tulong niya dahil nagkaayos na sila ng Viva noong Biyernes nang gabi, February 28. Humingi rin ng paumanhin si Tamara, kasama ang brilliant excuse na magulo na ang kanyang isip at natatakot na rin ang asawa at pamilya niya.