Dating misis ni John gustong magpadala ng tulong

July 31, 2020
John Regala

WALA halos nakakaalam that John Regala got married at age 26 to a 16-year-old girl na si Aurina Alvarez Manansala in mid 1990s. At nagkaroon sila ng isang anak na si John Paul Kieffer who is now 25 years old at kasama ni Au na naka-base sa Arizona, USA.

Si Au ay apo ng dalawang national artists na sina Vicente Manansala at Director Julian Manansala.

Although underaged pa lamang noon si Au nang magpakasal kay John, binigyan sila ng basbas ng parents ng una kaya naging legal ang kanilang pagsasama.  Pero pagkatapos ng anim na taon ay nagkahiwalay ang dalawa when Au was 22 years old.  John took another partner na si Gina or Vicky na ninang ng anak nina John at Au na si Kieffer.  Si Gina ay hiwalay naman sa unang asawang Japanese kung kanino siya meron isang anak na si Hide na itinuring ni John as his own son.  Pero bago si Hide ay may adopted son sina John at Au na si Gilbert na kung tutuusin ay adopted son ng yumaong ina ni John, ang dating actress na si Ruby Regala.  Pero ang nakalagay sa birth certificate ng bata as parents ay sina John at Au kaya ito ang nakilala ng bata bilang mga magulang hanggang sa kanyang paglaki.  It was only three years ago nang malaman ni Gilbert na siya’y ampon ni John at ng dati nitong misis na si Au.  Sina Gilbert at Hide ay parehong wala na sa poder ngayon ni John and three weeks ago ay iniwan din si John ng kanyang pangalawang misis na si Gina (Vicky).

Sa pagnanais ni John na makita ang kanyang biological son na si Kieffer, inalam namin ang pangalan ng kanyang ina at dito namin naisipang i-search ang mag-ina.  Luckily for us, na-trace namin si Au na naka-base sa Arizona, USA.  We sent her a long message at kahapon nang madaling araw ay nakatanggap kami ng message mula sa kanya. Matapos ang palitan ng mensahe ay nagkatawagan na kami not knowing na magkakilala na pala kami nung araw at nakagawa siya ng ilang pelikula sa OctoArts Films at kasama na rito ang pelikulang “Totoy Buang” na si John mismo ang pangunahing bida.

Pinakiusapan namin si Au na ilapit kay John ang kanilang anak na si Kieffer (25) na hanggang ngayon ay malayo pa rin ang loob sa ama.

Unknown to many, bukas pa rin ang komunikasyon ng dating mag-asawang John at Au at nagpapadala pa rin ang huli ng tulong pinansyal sa dating asawa paminsan-minsan.

Ipinakita sa amin ni Au si Kieffer na busy sa kanyang computer pero nahiya itong makipag-usap sa amin.

Ang American na si Stephen Hunt ang bagong husband ni Au pero wala silang anak.  Au has another son na si Cris from another guy.  Pero napakabait at napaka-supportive umano ni Steph hindi lamang sa kanya kundi maging sa dalawa niyang anak na sina Kieffer at Cris.

Si Kieffer ay mag-isa nang nakatira sa kanyang sariling condo but sold it last year at muli siyang bumalik sa kanyang mom and his step-dad.  May trabaho na rin ito ngayon sa isang medical company.

Ayon kay Au, unti-unti umano niyang hinihimok ang anak na kausapin ang kanyang amang si John lalupa’t alam nila ang sitwasyon ngayon ng actor.

Nung isang araw ay nag-Facetime umano sina John, Au at mister niya ngayon na si Stephen at iyak nang iyak umano sa kanila si John na hindi na halos maintindihan ang pagsasalita.

Napaka-grasyosa ni Au na maganda pa rin at age 45.  Dahil sa pandemya, she works at home kaya nagagawa pa rin niya ang mga gawaing bahay.  She works in a mortgage company since 2002 at isang licensed real estate broker at meron siyang sariling kumpanya, ang AAMMI-AA Manansala Marketing International, Inc.   Kung may pagkakataon lamang ay gusto niyang ipadala sa America si John para doon ipagamot. Gusto rin sana niyang magbakasyon sa Pilipinas kasama ang kanilang anak na si Kieffer para dalawin si John pero dahil sa pandemya ay tila mahirap itong mangyari ngayon.

Natutuwa si Au sa maraming tumutulong kay John ngayon at gusto niyang ipaabot sa mga ito ang kanyang pasasalamat.  Pamilya pa rin ang turing ni Au kay John kahit matagal na silang hiwalay at naging close din umano siya sa yumaong ina ng actor na si Ruby Regala.

Plano rin ni Au na pasamahan si John sa dati niyang yaya at mister nito para may kasama ang actor laluna ngayon na may sakit na ito at nahihirapang kumilos.  Siya (Au) mismo ang sasagot ng suweldo ng dalawa.

Natuwa kami kay Au dahil kahit matagal na silang hiwalay ni John ay naroon pa rin ang kanyang malasakit sa dating asawa at ama ng kanyang anak na si Kieffer.

Ang pag-deteriorate ng katawan ni John ay dahil wala na itong nati-take na solid food dahil isinusuka lamang niya.  Marami na ang kumplikasyon ng sakit ni John sa liver.  Ito rin ang dahilan kung bakit kailangan niyang malagyan ng IV (intravenous fluids) para siya’y ma-hydrate.

Nakapag-pagupit na rin si John kaya kahit papaano’y nagkaroon ng aliwalas ang kanyang mukha.

Samantala, sa tulong ni Chuckie Dreyfus at ng kanyang misis na si Aileen, Nadia Montenegro ay nasimulan na ang online fundraising para matugunan ang mga pangangailangan ni John.  May nag-donate na rin ng wheelchair para sa actor na hirap na ring makalakad.