Direk Jason Paul gustong ibalik ang komiks

February 29, 2020

SI Jason Paul Laxamana ang bagong Mars Ravelo at Carlo Caparas ng kanyang henerasyon dahil sa pangarap niya na ibalik ang komiks na hindi imposible na matupad dahil sa partnership nila ng Viva Communications Inc.kaya nabuo ang Ninuno Media.

Si Ravelo ang creator ng Darna, Dysebel, Captain Barbell at iba pa na Pinoy superheroes samantalang si Caparas ang lumikha sa karakter ni Flavio, ang fictional Philippine comics character sa Panday na maraming beses nang isinalin sa mga pelikula na pinagbidahan nina Fernando Poe, Jr., Senator Bong Revilla, Jr. at Coco Martin.

Naniniwala si Laxamana na may market pa rin ang komiks at mahihikayat niya nang dahan-dahan ang mga kabataan na magbasa.

“Kahit ako, matagal na akong hindi nagbabasa ng komiks. Nu’ng nagbasa ako, medyo nanibago ako.Nawala na sa isip ko ang way of reading komiks pero as long as maganda ‘yung visuals, maganda ‘yung kuwento, I think maa-attract natin ‘yung mga kabataan sa pagbabasa,” ang sabi ni Laxamana.

Mga distinctly Filipino content ang mga project na pinaplano ng Ninuno Media tulad ng mga pelikula na Aswang Country, ang sequel ng 100 Tula Para Kay Stella at ang comic book series na Anitu.