EA may bagong negosyo dahil sa ina

August 08, 2020
EA Guzman
EA Guzman

KATULAD ng marami sa atin, nakahanap din ng bagong libangan ang Kapuso actor na si EA Guzman habang hindi pa sila bumabalik sa taping.

Kuwento ni EA, nakahiligan na niyang gumawa ng iba't ibang gawaing bahay ngayong quarantine at kabilang na rito ang pagluluto.

Aniya, “Since nag-start 'yung ECQ, mas naging focused ako sa gawaing bahay. May time na ako para makatulong sa mommy ko na maglaba at maglinis ng sarili kong kuwarto.”

“And mas marami akong natutunan na iluto from my mom. Every dinner, tuwing kakain kami, nagpapaturo ako sa kanya. Tinintingnan ko 'yung pinapakain niya, ano-ano 'yung ingredients, at kung paano iluto iyon.”

Ginawa na rin nga niyang negosyo ang hilig sa pagluluto via “Adobong Tuyo ni Mommy Sarrie.” Hango ito sa mga luto ng kanyang ina. 

Nagpapasalamat ang Kapuso star dahil kahit kasisimula pa lang ng kanilang business ay tinangkilik agad ito ng customers kaya naman successful ang naging dry run noong Lunes (August 3). Fully booked na raw ang kanilang reservations sa mga susunod na linggo.