ER pinabulaanan ang disqualification

April 10, 2019
ER Ejercito
ER Ejercito

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin nawawala ang galit ng Laguna gubernatorial candidate na si E. R. Ejercito kay dating Pangulong Noynoy Aquino dahil ito umano ang may pakana ng kanyang pagbaba sa puwesto bilang gobernador ng Laguna nung 2014. Kasunod nito ang pagbaba ng hatol sa kanya ng Sandiganbayan 4th Division na may kinalaman sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act nung siya’y nanungkulan pa bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna.  Ito’y may connection  sa kanyang pagbuo ng Accident Protection Assistance Program para sa mga turista at boatmen ng Pagsanjan na kinikilalang Tourist Capital of Laguna.

Mula pa umano 2010 ay pilit umano siyang hinaharangan ni former Pres. Noynoy Aquino.  Siyam na taon na ang kaso na pilit umanong ikinakabit sa kanya at naniniwala siya na bahagi umano ito ng political harassment hindi lamang sa kanya kundi maging sa kanyang uncle na dating Pangulong Joseph at ngayon ay mayor ng Maynila ‘Erap’ Estrada, sa kanyang pinsan na si dating Sen. Jinggoy Estrada at maging sa ibang political opponents ng mga Aquino tulad ng yumaong Chief Justice Corona, dating PNP Chief Nicanor Bartolome na pinalitan ni Allan Purisima, ang dating gobernadora ng Cebu na si Gwen Garcia at si former Ombudman Merceditas Gutierrez.

Since naka-apela sa Supreme Court ang kaso ni E.R., wala umanong katotohanan ang lumabas sa mga balita na disqualified siyang tumakbo for public office dahil ito’y pakana lamang umano ng kanyang kalaban sa pulitika. Ang Supreme Court  ang magbibigay ng final judgment sa kaso ni E. R.

Kung si E.R. ay muling tumatakbo sa pagka-governor ng Laguna, ang wife niyang si Maita Sanchez na siyang incumbent mayor ng Pagsanjan ay siyang bababa sa pagka-vice mayor ng nasabing bayan habang ang anak ni E. R. na si John Paul (Jet Ejercito) naman ang kandidato sa pagka-mayor ng Pagsanjan sa darating na May 13 mid-term elections.

Ang nakababatang kapatid ni E.R. na si Gary (Ejercito) Estrada ay kandidato naman sa pagka-vice mayor ng Cainta, Rizal.