Eugene balik-pag-arte

February 29, 2020

“LOLA Sitter” ang pamagat ng episode ng Dear Uge na mapapanood ngayong hapon, pagkatapos ng “All Out Sundays”.

Special guests sina Celia Rodriguez, Thea Tolentino at Mel Kimura sa Sunday comedy anthology ni Eugene Domingo sa GMA 7.

Umaarte na muli at hindi na basta host si Eugene mula nang i-reformat ang Dear Uge na naging “Dear Uge Presents.”

“Sa Dear Uge Presents, every Sunday, maraming iba’t ibang kuwento.Hindi na nagbabasa ng sulat si Uge dahil kasama na siyang umaarte sa loob ng kuwento na iba’t-ibang karakter ang ginagampanan ko.

“So hindi na lang basta nakikita sa tindahan kundi nasa loob na siya ng kuwento, karakter. Kumbaga, artista na talaga ako ngayon, hindi na lang siya host,” ang paliwanag ni Eugene.

“Hindi naman tayo limited sa comedy lang, meron tayong very very light drama, heartwarming drama, comedy, hard comedy, puwedeng slapstick, puwedeng light comedy.

“Naka-focus na kami ngayon sa iba’t-ibang magagandang kuwento na inspired sa mga pangyayari sa tunay na buhay,” ang dagdag na pahayag ni Eugene tungkol sa mga pagbabago sa kanyang Sunday afternoon program sa Kapuso Network.