Falcis brothers, hinamon ng harapan ni Kris!

February 23, 2019

Kuwestiyonable sa abogado ni Kris Aquino na si Atty. Phillip Sigfrid Fortun ang pagkaka-dismiss ng kasong 44 counts of qualified theft na isinampa niya  sa Makati City laban sa dating tauhan ng KCAP na si Nicko Falcis.

Ang nasabing kaso ay isinampa rin sa anim pang siyudad sa Metro Manila tulad ng San Juan, Pasig, Taguig, Mandaluyong, Quezon at Manila.

Ayon sa desisyon ni Assistant City Prosecutor Paolo Barcelona, “No sufficient evidence" ang reklamo ni Kris kaya hindi na kailangang umabot pa sa korte.

Ayon sa resolusyon, hindi napatunayan ni Kris na ninakawan siya ng dating KCAP staff ng P1.270 milyon sa pamamagitan ng paggamit ng company credit card.

Agad ding naglabas ng press statement ang legal counsel ni Kris na Fortun, Narvasa at Salazar Law Office nu’ng Biyernes, ilang oras matapos niyang sumumpa sa isinumiteng counter affidavit sa kasong grave threat na isinampa ng Falcis brothers na sina Nicko at Jesus Jr. sa Quezon City.

Base sa liham ng mga abogado ni Kris, “We have to determine the basis for this information and how news sites, especially PEP.ph, were able to get a copy of the resolution ahead of most everyone including Ms. Aquino’s lawyers, despite consistent follow-up queries with the assigned investigating prosecutor just today.

“We are filing a motion for reconsideration of that resolution as soon as we receive our copy.”

Samantala, ayon kay Kris, umasa siyang makikita niya ang magkapatid na Falcis nu’ng Biyernes.

“I'm so looking forward to finally seeing them. Ang tapang-tapang sa social media, pero ano na bang araw ngayon?

“Today is already February 22, and they still have not had the courage to face me. ’Di ba? Parang, sorry, ha, pero andami niyong sinabi laban sa akin. Pero hindi niyo naman ako kayang harapin?” aniya.

Sa susunod na hearing sa Marso 8, hinamon ni Kris sina Nicko at Jesus Jr. na magkita sila sa korte na sila-sila lang at walang media coverage.

“Hinahamon ko kayo on March 8, let's see each other. And I would like to request the press to not be present. Para hindi ito maging circus. Gawin natin ito sa tamang paraan.

“Respetuhin natin ang batas ng Pilipinas at magharap tayo.

“Kung anu-anong binibintang niyo sa akin. Pero ako, lahat ng binintang ko sa inyo, ni minsan hindi niyo pa rin kayang sagutin.

“So, magharap tayo with nobody. Let this not be a trial by publicity. But let this be a trial in the Philippine court system, which I respect. And I do believe that justice will be served because I know I am innocent,” pahayag ni Kris.