Gladys iwas-lungkot ang food business

February 19, 2020

MALUNGKOT ang cast ng Madrasta dahil magwawakas na sa Biyernes, February 21 ang kanilang afternoon drama series.

Ipinagmamalaki ng mga artista ng Madrasta na hindi basta pagkakaibigan ang nabuo sa ilang buwan na pagsasama-sama nila dahil parang tunay na pamilya na ang turing nila sa isa’t-isa.

Isa si Gladys Reyes sa mga nakakaramdam ng separation anxiety dahil napamahal na sa kanya ang production staff at ang co-stars niya, sina Juancho Trivino, Thea Tolentino, Arra San Agustin,Almira Muhlach at Manilyn Reynes.

Timing ang pagtatapos ng Madrasta sa bagong food catering business na bubuksan ni Gladys at ng kanyang asawa na si Christopher Roxas, ang Sommereux. Makakatulong ang pagiging abala ni Gladys sa Sommereux para mabawasan ang lungkot na nararamdaman niya.

Nagkaroon ng idea sina Gladys at Christopher na magkaroon ng food catering business dahil sa success ng Estela, ang restaurant nila sa Sta.Lucia East Grand Mall, Cainta, Rizal.