GMA network nagmamalaki

February 28, 2020

MASAYA sa bakuran ng GMA 7 dahil sa patuloy na pagtangkilik ng publiko sa kanilang mga programa.

Ipinagmamalaki ng Kapuso Network management na patuloy ang pagiging number one nito at matibay na ebidensya ang pamamayagpag sa ratings ng mga programa nila.

Ibinalita ng GMA 7 management na mula January hanggang February 23, ang network nila ang tinatangkilik ng mga manonood.

Ayon sa data ng Nielsen, nakakuha ang Kapuso Network ng 34.9 percent people audience share sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) laban sa 32 percent ng ABS-CBN.

Palaki rin nang palaki ang agwat ng GMA 7 sa ABS-CBN  sa ibang lugar tulad ng Urban Luzon at Mega Manila.

Nakakuha ng 36.9 percent ang GMA 7  sa Urban Luzon samantalang 29.3 percent ang ABS-CBN.

Nakamit naman ng GMA ang pinakamalaki na panalo sa Mega Manila (January 1 hanggang February 15 official data) dahil sa 37.6 percent ratings na malaki ang agwat sa  27.1 percent ng ABS-CBN.

Ayon sa GMA 7 management, “the numbers do not lie” at patunay ito na mas pinapanood ng mga Pilipino ang mga programa ng Kapuso Network.